LUNGSOD NG MALOLOS- Nagmungkahi ng ordinansa ang ika-11 Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Bise Gob. Alexis C. Castro na magbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa nasasakupan ng lalawigan sa ginanap na pagdinig ng komite sa Benigno Aquino Session Hall sa lungsod na ito kamakailan.
Ginawa ang hakbang na ito ng sangay ng lehislatura matapos ang mga ulat nang paglaganap ng operasyon ng POGO na nagdudulot ng iba’t ibang isyu sa lipunan, ekonomiya, at seguridad sa buong bansa.
“Naniniwala ang Panlalawigan ng Bulacan na ang negatibong epekto ng mga operasyon ng POGO ay mas malaki kaysa sa inaasahang benepisyong ekonomiko at maaaring magpalala ng mga umiiral na suliraning panlipunan habang nagbabantang magdulot ng panganib sa pangkalahatang katatagan ng ekonomiya ng bansa,” nakasaad sa planong ordinansa.
Ayon kay Castro, lumitaw sa pinagsamang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga karatig na lalawigan ng Pampanga at Tarlac na sa loob ng matataas at malalawak na ari-arian ay nagaganap ang iba’t ibang krimen tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, prostitusyon, at online na panloloko.
Ilang pahayag mula sa magkabilang panig, sumusuporta at tumututol sa mungkahing ordinansa, ang inilatag sa pagdinig ng komite kabilang sina Punong Bayan ng San Rafael Cholo Violago, Bulacan Police Provincial Office Provincial Director PCol. Relly B. Arnedo, Konsehal ng Lungsod ng Malolos Emmanuel Sacay, Association of Barangay Chairman-Angat Chapter Kap. Alexander M. Tigas, at iba pa.
Kinilala ng bise gobernador ang mga pahayag at tiniyak na higit pa itong tatalakayin sa mga susunod na pagdinig ng Committee of the Whole.
Noong Hunyo 26, naglabas si Gobernador Daniel R. Fernando ng Executive Order No. 19, series of 2024 na nag-uutos sa mahigpit na pagbabantay sa mga POGO sa lalawigan.
Ayon sa EO, ang lahat ng mga lokal na ehekutibo sa lalawigan ay inaasahang gumawa ng imbentaryo ng lahat ng operasyon ng POGO sa kanilang nasasakupan; suriin kung ang mga operasyon ng POGO ay may angkop na mga lisensya at aprubado ng gobyerno; at magsagawa ng mga angkop na inspeksyon sa mga operasyon ng POGO.