PORAC, Pampanga – Isang underground tunnel at indoor firing range ang nadiskubre ng mga awtoridad sa isinagawang onsite inspection sa lugar ng umano’y magarbong Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) exclusive leisure resort sa Barangay Señora sa bayang ito noong Sabado.
Armado ng Search Warrant, nagawang pasukin ng Joint Inspection Team (JIT) na binubuo ng Pampanga provincial police office (PPO), Police Province Force Manuever Company First and Second, Provincial Intelligence Unit, Provincial EOD at Canine Unit, Special Weapon and Tactic, Porac municipal police istasyon, HPG, Regional Mobile Force Battalion 3 at Pampanga public information office ang nasabing lugar na nagresulta sa pagkatuklas ng underground tunnel at indoor firing range.
Nabatid na iniutos ni Mayor Jaime Capil sa mga awtoridad na magsagawa ng onsite inspection sa tagubilin ni Gobernador Dennis Pineda kung saan mismo ang gobernador ang nanguna sa search operation na humantong sa pagkadiskubre ng underground tunnel, isang firing range at mga dokumentong nag-uugnay sa mga residente sa operasyon ng Lucky South. 99.
Bago ang pagtuklas, binisita ng Porac JIT ang lugar sa Barangay Señora noong Hunyo 20, 2024 sa tagubilin ni Pineda na hinimok ang lahat ng “lungsod at municipal mayors na magsagawa ng mga hakbang laban sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators at mga katulad na establisyimento sa loob ng Local Government Unit. ”
Nakipag-ugnayan ang Porac JIT sa ocular inspection sa loob ng lugar ng isang tirahan sa kahabaan ng Daisy St., Purok 6, Barangay Señora kasama ang mga opisyal ng barangay ngunit hindi sila pinasok nang walang search warrant.
Ang JIT ay pinigilan ng caretaker ng property na makapasok sa residence sa payo ng isang Atty. Toni Co.
Nakipag-ugnayan na si Mayor Capil kay Porac PNP Officer-in-Charge PCpt. John Paul M. Zapanta para sa tulong upang maberipika ang pagkakaroon ng nasabing mga aktibidad ng POGO sa loob ng lugar” ng Barangay Señora.
Noong Sabado, Hulyo 6, ang pangkat na pinamumunuan ni Gov. Pineda kasama ang PNP, na armado ng search warrant ay nakapasok sa lugar at natuklasan ang underground tunnel at ang nakatagong firing range.
Sinabi ni Mayor Capil na ang tirahan sa Barangay Señora ay unang pag-aari ng isang American national na ibenenta nito sa RMM Corporation na kalaunan ay naibenta sa mga Chinese national.
“Hindi po ito binigyan ng building permit ni Mayor Jing Capil o clearance ng barangay pero tuloy-tuloy ang construction,” wika ni Pineda sa kaniyang Facebook page.
Dalawang indibidwal ang pinaniniwalaang may-ari ng Whirlwind na iniulat na incorporator ng Lucky South 99 ang nahuli sa loob ng lugar at kinilalang sina Daniel Salcedo Jr. at Chona Alejandre, kapwa Pilipino.
“Malugod po kaming nagpapasalamat kay Gov. Pineda at kay Vice Governor Nanay Pineda sa kanilang patnubay at malasakit sa aming bayan. Patuloy naming susuportahan ang lahat ng mga adhikain para sa ikabubuti ng ating probinsya,” ani Capil.