BulSU mayroon nang Doctor of Medicine program, Villanueva pinuri ang CHED

Pinapurihan ni Senador Joel Villanueva, principal author and sponsor ng Doktor Para sa Bayan Act, ang Commission on Higher Education (CHED) sa pag-apruba nito sa Doctor of Medicine program ng Bulacan State University (BulSU).
SENATOR JOEL VILLANUEVA

“Sa wakas! Tagumpay po ito hindi lamang ng mga Bulakenyo kundi ng lahat ng mga kababayan natin sa mga karatig lalawigan sa Central Luzon na nagnanais mag-aral ng kursong medisina,” wika ni Villanueva.

Sinabi ni Villanueva na ang BulSU ang kauna-unahang State University and College (SUC) sa Region III na pinahintulutan ng CHED na mag-alok ng Doctor of Medicine program.
 
Noong Hunyo 26, inanunsiyo ng CHED ang pag-aprub nito upang patakbuhin ang mga programang Doctor of Medicine sa Bulacan State University at Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU) simula ngayong academic year 2024-2025. 
 
Ang DMMMSU naman ay magiging ikatlong State University and College (SUC) na mag-aalok ng medicine program sa Ilocos Region.
 
Nabatid na isa si Villanueva sa tumulong sa BulSU para para ganap na mapabilang ang BulSU sa Doctor of Medicine program.
 
“Nagsimula tayo sa walong SUC sa pitong rehiyon at ngayon ay mayroon na tayong 22 SUC na nag-aalok ng programang Doctor of Medicine sa 15 rehiyon sa bansa,” sabi ni Villanueva.

Iniulat din ng senador na mula nang maipasa ang Doktor Para sa Bayan Act, tumaas ang doctor to population ratio ng bansa sa 3.7 doctors per 10,000 Filipinos mula sa 2.64 doctors per 10,000 Filipinos.

“Malayo pa pero malayo na. Nasa tamang landas tayo sa pagkamit ng iniresetang ratio ng World Health Organization (WHO) na 10 doktor sa bawat 10,000 populasyon,” sabi ni Villanueva.

“Our vision of making medical education accessible to aspiring doctors is becoming the country’s reality day-by-day,” dagdag niya.

Ang Republic Act No. 11509 ay nagtatatag ng isang medical scholarship at return service program, na sumasaklaw sa mga gastusin tulad ng tuition, allowance para sa mga libro, uniporme, transportasyon, at tirahan, internship cost, medical board review, at licensure examination fees. Ang mga iskolar ay kinakailangang magbigay ng serbisyo sa pagbabalik na katumbas ng mga taon na kanilang natanggap ang scholarship.

Isinasaad din ng batas na pagkatapos na makapasa sa pagsusuri sa lisensya ng doktor, ang medikal na iskolar ay dapat isama sa pampublikong kalusugan at sistema ng serbisyong medikal, sa pamamagitan ng Kagawaran ng Kalusugan, at dapat tumanggap ng angkop na ranggo ng serbisyo sibil, suweldo at mga kaugnay na benepisyo.