PORAC, Pampanga – Sinuportahan ni Mayor Jaime “Jing” Capil ang panawagan nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian para sa total ban sa Internet Gaming Licensees (IGLs) o kilala bilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ay sa kabila ng “minimal economic benefit and the disproportionate social costs brought by the POGO establishments, coupled with the challenges in regulatory enforcement as demonstrated in Senate hearings,” sabi ni Mayor Capil sa isang pahayag.
Sinabi rin ng alkalde na “ang mungkahi na sirain ang lugar ng POGO site pagkatapos ng pagtanggi ng mga guwardiya ay maaaring hindi naaayon sa batas.”
Ang Rules and Regulations for POGO (RR-POGO) na inaprubahan ng PAGCOR Board of Directors noong Setyembre 1, 2016 ay nagsasaad na ang ahensya ng gobyerno ay ang regulator ng mga lisensya sa paglalaro na tumatakbo sa teritoryal na hurisdiksyon ng Pilipinas sa lupa o sa dagat.
Ipinahiwatig din sa Rules and Regulations para sa monitoring purposes, ang may lisensya ay papayagan ang pag-inspeksyon sa mga lugar, makina at kagamitan sa anumang oras kapag hiniling ng monitoring team ng PAGCOR.
Nabatid din na ang PAGCOR ay lumikha ng isang monitoring task force para magsagawa ng surveillance at monitoring activities para mahanap at matukoy ang mga operator ng ilegal na sugal; at mag-ulat ng mga paglabag na ginagawa ng mga lisensyadong offshore operator laban sa mga regulasyong ito.
Binanggit din ni Mayor Capil ang Presidential Decree 771 na nagbawi ng lahat ng kapangyarihan at awtoridad ng lokal na pamahalaan na magbigay ng prangkisa, lisensya o permit at i-regulate ang mga uri ng pagsusugal.
Ayon sa alkalde, dalawang beses nang nagsagawa ng joint inspections ang Porac LGU kasama ang Porac PNP sa Lucky South 99 premises noong Agosto 25, 2023 at Mayo 3, 2024.
Ang mga inspeksyon ay isinagawa sa kahilingan ng PNP upang matiyak ang pagsunod sa mga lokal at pambansang regulasyon kung saan sa parehong mga inspeksyon, walang naiulat na paglabag.
Kinilala ng Porac LGU ang legal complexities kaugnay ng joint inspections na isinagawa sa pakikipagtulungan ng PNP kung saan ipinahayag dito na “Ang Porac LGU ay walang kapangyarihan na mag-inspeksyon o mag-imbestiga sa mga komersyal na establisimyento.”
Sinabi ni Mayor Capil na ang joint inspections na isinagawa ng LGU at PNP ay “hindi lamang ang isinasagawa ng Munisipyo ng Porac.”
Sinabi ni Capil na noong 2019 hanggang sa kasalukuyan, ang Porac LGU ay nagsagawa ng ilang inspeksyon sa pamamagitan ng Engineer’s Office, Sanitary Office, MENRO, BPLO, at iba pang mga opisina, iyon ay, kahit na walang presensya ng pulisya, kung saan sa mga inspeksyon na iyon, “walang krimen ang nakita kailanman” sa Lucky South 99 na lugar.
“Ang pag-aakala na ang LGU ay nagtulak at nagpumilit na pasukin ang lugar ng POGO site sa panahon ng joint inspection sa PNP na maaaring humantong sa pagtuklas ng mga karumal-dumal na krimen na lihim na ginagawa sa loob ng lugar, ay hindi lamang kalokohan ngunit ay isa nang anyo ng invalid warrantless search,” sabi ni Mayor Capil.
“What the PNP could have done, had it harbored any doubts during that time, was to request the issuance of a search warrant,” dagdag pa niya.
Mababatid na nilagdaan na ni Mayor Capil kamakailan ang resolusyon ng Pampanga Mayors League (PML) na nananawagan sa moratorium sa pagpasok ng mga POGO sa Pampanga.