May 1,011 Angeleño boys ang sumailalim sa libreng tuli mula sa programa ni Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. na nagsimula noong Hunyo 18 at tatagal hanggang Hulyo 18, 2024.
May temang “Magpatuli para Pogi”, ang operasyon tuli ng lungsod ay isinagawa sa anim na Rural Health Units na pinangangasiwaan ni Lazatin’s Chief Adviser IC Calaguas at Executive Assistant IV Reina Manuel kasama si City Health Officer Dr. Verona Guevarra at Gender and Development Officer Mina Cabiles.
“Inaanyayahan ko po ang mga magulang na ipatuli sa kanilang mga anak. Ito po ay libre at pawang mga professional doctors, at nurses po ang magtutuli,” ani Lazatin.
Mula sa 1,011 — 105 bata ang nagkaroon ng libreng tuli sa RHU 1; 197 sa RHU 2; 136 sa RHU 3; 183 sa RHU 4; 199 sa RHU 5; at 190 sa RHU 6.
Sinabi ni Executive Assistant IV Reina Manuel na ang mga batang sumailalim sa libreng tuli ay nakatanggap ng home care kits na kinabibilangan ng Vitamin C supplements at mga gamot para sa tuli.
Tatlumpung midwife, nurse, at doktor mula sa CHO ang nanguna sa operasyon na ‘tuli’, na nag-iskedyul ng 50 bata na tuliin kada araw sa bawat RHU.
Nabatid na may kabuuang 2,705 bata ang nakinabang sa libreng programa ng pagtutuli noong 2023 at 3,228 bata noong 2022.
Ang libreng programa sa pagtutuli ay unang inilunsad sa Angeles City sa panahon ni Mayor Carmelo “Tarzan” Lazatin mula 2002 hanggang 2007.