LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Agad na ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel agency na naging illegal recruiter ng mga overseas Filipino workers sa lungsod ng Malolos, Bulacan nitong Hunyo 14, 2024.
Mismong si DMW Undersecretary for Licensing and Adjudication Service Bernard P. Olalia ang nanguna sa pagkakandado nitong establisemento na nasa kahabaan ng Paseo del Congreso sa barangay Catmon sa lungsod na ito.
Ito na ang pang-sampu nang nai-raid ng DMW sa buong Pilipinas at una sa Bulacan mula nang paigtingin ng ahensiya ang pagsugpo sa illegal recruitment at human trafficking sang-ayon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nagbunsod ang raid na ito dahil sa kumpirmadong sumbong sa DMW ng isa sa mga narecruit, gaya ng pangongolekta ng nasa P300 libong placement fees para sa inaalok na trabaho na may sahod na P70 hanggang P80 libo lamang kada buwan.
Walang lisensiya mula sa DMW ang nasabing travel agency para makapagpaalis ng mga OFWs. Iba pa rito ang kawalan ng mga pormal na job orders na iniaalok na dapat ay naaayon sa masterlist na ibinibigay ng DMW.
Bukod dito, natuklasan ng DMW na ang mga dapat ay magiging OFW sa bansang Croatia ay pinagpapanggap na magtatrabaho bilang house keeping, ngunit pagiging waiter at dairy farmer ang target na maging trabaho sakaling makarating doon.
Kaugnay nito, ayon kay Atty. Aida Bernardino, head ng Business One Stop Shop (BOSS) ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos, nilabag din ng establisemento ang business permit na ipinagkaloob sa kanila bilang isang travel agency.
Aniya, nagkaroon sila ng operasyon na wala sa mandato ng pagiging travel agency.
Kaya naman kinansela ng BOSS ang nasabing business permit gayundin ang pagpapawalang bisa sa barangay permit na ipinalabas noon ng Pamahalaang Barangay ng Catmon.
Ngayong naisara na ito ng DMW, sinabi ni Usec. Olalia na aalalayan nila ang nasa 13 nang mga na-recruit sa pamamagitan ng free legal assistance at referral sa mga legal recruitment agencies.
Samantala, kapag tuluyang napatunayan sa korte ang pagiging illegal recruitment ng travel agency na ito, maaaring hatulan ng habang buhay na pagkakakulong kung higit sa tatlo ang nabiktima.
Aabot naman sa 20 taon na pagkakakulong naman kung nasa tatlo ang nabiktima. Ito na ang pang-sampu na nahuli ng DMW sa buong bansa at una sa Bulacan mula nang paigtingin ng DMW ang kampanya laban sa mga iligal recruiters at trafficking.