Tatlong katao kabilang ang dalawang bata ang nasawi matapos tamaan ng kidlat habang naglalaro sa palayan sa Barangay Inaon, Pulilan, Bulacan noong Miyerkules, Hunyo 5.
Kinilala ng Pulilan police ang mga biktima na sina Rexter Enriquez, 16; Roxane Enriquez, 12, at April Almorade, 11, pawang taga Sitio Tangos ng nasabing lugar.
Ayon kay Pulilan Police chief LtCol Jerome Jay Ragonton, nangyari ang insidente na ikinamatay ng mga biktima dakong alas-3 ng hapon habang nakikipaglaro sa iba pang 5 bata sa gitna ng bukirin.
Lumabas sa imbestigasyon, bandang alas-4:30 ng hapon nakatanggap ang Pulilan Police ng tawag sa telepono mula sa Barangay Inaon na nag-ulat na tatlong tao ang tinamaan ng kidlat.
Sinabi ng ilang saksi na naglalaro ang mga biktima sa ilalim ng puno ng mangga nang mapansin ang paparating na ulan.
Habang papauwi ang mga ito sa kanilang bahay, nakarinig sila ng kulog at nakaramdam sila ng kuryente.
Nakita ng mga saksi ang mga biktima na nakahandusay sa lupa kung saan dinala ang mga biktima sa Dr. Magdalena Reyes Hospital sa Brgy. Poblacion para sa medikal na atensyon.
Idineklara ng attending physician na si Dr. Antonio Reyes na patay na ang mga biktima. Ang mga bangkay ng mga biktima ay nasa Suarez Funeral Home ngayon sa Brgy. Dampol 1st, Pulilan, Bulacan.