TATLONG malalaking parangal ang hinakot ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa katatapos lamang na The Outstanding Population Structure (TOPS) Regional Award 2021 na pinangunahan ng Commission on Population and Development-Region III noong Miyerkules, Disyembre 15, 2021 sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga para sa implementasyon nito ng population and development program sa lalawigan.
Kabilang sa mga nasabing parangal na pinagwagian ng lalawigan ng Bulacan ay Best in Adolescent Health and Development Component; Best in Population and Development Integration Component at nagkamit ng 3rd place sa Over-All in Population Program Implementation.
Ang mga parangal na ito ay buong pagmamalaking iprinisinta ni Governor Daniel Fernando at PSWDO at Provincial Population Officer Rowena J. Tiongson noong Huwebes sa mga miyembro ng Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) at mga Mother Leaders sa probinsiya sa isang simpleng seremonya ng pagpaparangal sa ginanap na “Pangkalahatang Pagtitipon ng mga LLN at Mother Leaders” sa Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos.
Samantala, binigyang pagkilala naman ni Gob. Fernando ang mga LLN at Motherleaders bilang bahagi ng parangal na natanggap ng lalawigan at pinuri sila bilang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasagawa ng development programs sa bawat barangay.
“Motherleaders at mga LLN, you are also part of this award. Sa mga parangal na ito, ipinapakita ng Panginoon na tayong lahat ay nagsisikap. Kayo ay katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasagawa ng mga programa para sa mga Bulakenyo. Pinasasalamatan ko kayo sa inyong aktibong pagbibigay ng serbisyo at sa patuloy na pangangalaga sa inyong mga barangay,” wika ng gobernador.
Layunin ng TOPS na kilalanin ang mga pamahalaang lokal na may katangi-tangi at huwarang kasanayan sa malawakang pagpapatupad ng Philippine Population and Development Program.