LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang isang Mother’s Day Creatives Fair bilang bahagi ng pandaigdigang pagdiriwang ng Araw ng mga Ina.
Ayon kay DTI-Region III Assistant Regional Director officer-in-charge Edna Dizon, naglalayon ang espesyal na fair na ito upang muling ibalik sa kamalayan ng mga kabataan ang malikhaing pagsulat ng mga pagbati para sa kani-kanilang mga ina.
Lalong mapapalakas aniya nito ang moral ng mga inang mangangalakal na nasa Creative Industry, na makakatulong para sa lalong pagpapataas ng kalidad ng kanilang mga produkto.
Binigyang diin pa ni Dizon na hindi ito isang karaniwang trade fair lamang na tungkol sa pagtitinda at pagbili. Kinonsepto ito ng DTI na maging interactive upang mas mapalitaw ang pagiging malikhain ng mga bata.
Nakalinya ang Mother’s Day Creatives Fair sa itinataguyod ng DTI na mabuksan ang mga oportunidad sa mga bagong hanapbuhay sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Philippine Creative Development Industry Act (PCIDA) o Republic Act 11904.
Ang sistema, lahat ng mamimiling bata dito sa fair, anuman ang kanyang edad basta’t nakakabasa at nakakasulat, ay maaaring magpakita ng kahit anong halaga ng proof of purchase sa DTI secretariat booth. Maaaring palitan ito ng isang special greeting card na uubrang sulatan upang ipagkaloob sa kani-kanilang mga ina.
Pwede rin itong isali sa isa pang creative event sa loob ng nasabing fair na Greeting Card Making Contest. Ang mga mananalo ay pagkakalooban ng DTI ng surpresang papremyo na mula rin sa mga produktong bahagi ng Creative Industy.
Aabot sa 25 mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na nasa Creative Industry na pawang pag-aari ng mga ina ang lumahok sa Mother’s Day Creatives Fair sa buong durasyon ng pagdiriwang ng Mother’s Day sa Robinson’s Place Malolos.
Kabilang sa mga tampok na produkto ang mga leathercraft, garments, handicrafts, jewelry, woodcrafts at local food delicacies na may creative packaging.
Samantala, ang espesyal na Mother’s Day Creatives Fair ay nilakipan ng iba pang malikhaing presentasyon gaya ng ‘Harana para kay Inay’ at ang Greeting Card Making Contest.