LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Isinusulong ng pamahalaang lungsod ng Malolos na maialok sa mga heritage restaurant ang mga bagong inobasyon sa mga potaheng panghanda sa mga malakihang pagtitipon.
Iyan ang pangunahing layunin ng pagdadaos ng “Kasarap 2: Kalutong Malolenyo” bilang ambag ng lungsod sa pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Kalutong Filipino.
Ayon kay City of Malolos, Arts, Culture, Tourism and Sports Office focal person Roly Marcelino, isa itong cooking fest na nilahukan ng 10 barangay na nagpagalingan sa inobasyon o makabagong pamamaraan ng paghahanda at paghahain ng mga dati nang nakakaing potahe.
Tig-tatlong barangay ang napili sa kategoryang traditional cooking at innovative cooking.
Sa innovative cooking category, nanguna ang Minatamis na Ampalaya ng Barangay Caniogan.
Pumangalawa naman ang Suman sa Halu-halo ng Barangay Santor at pumangatlo ang Sorbetes de Sto. Rosario ng Barangay Sto. Rosario.
Para naman sa traditional cooking competition, nanalo ang Adobong Manok sa Luya ng Barangay Cofradia,
Pumangalawa ang Chicken Hamonado ng Barangay Guinhawa at pumangatlo ang Inihaw na Manok sa Pugon ng Barangay Balayong.