Ayon kay Salvador Lozano, education program supervisor ng Department of Education (DepEd)- School Division of Malolos, sinimulan nang isama ang detalye ng mga naging papel ng mga bayaning Bulakenyo gaya ni Hen. Torres, sa pagtalakay tungkol sa panahon ng rebolusyon laban sa mga Kastila.
Kung dati ay napag-uusapan lamang sa paksa tungkol sa rebolusyon ang mga pangunahing bayani, mas natatalakay ang mga hindi nababanggit na detalye na may kinalaman naman ang mga lokal na bayani.
Kabilang sa mga istratehiya ng DepEd ang inilunsad na Project Harayaan at Araling Panlipunan o AP Kolab Congress na magiging taunan nang isasagawa. Nadagdagan pa ito ng pagkakaroon ng SINELiksik Hub Project sa mga aklatan sa mga pampublikong paaralan.
Isa itong proyekto ng Provincial History, Arts and Culture and Tourism Office (PHACTO) na nagpapakilala ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo ng lokal na kasaysayan upang lubos na makilala ang mga bayaning Bulakenyo.
Nakapaloob dito ang mga pamamaraan gaya ng paggawa ng dokumentasyon na maaaring mapanood sa mga social media platforms, pagpapaimprenta ng mga lokal na modules at pagkakaloob ng mga opisyal na larawan ng mga bayani na may nakalimbag na detalye.
Kaya naman para kay Roly Marcelino, focal person ng Malolos City Tourism Office, nagsisimula nang mas makilala si Hen. Torres ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan dahil sa nasabing mga inisyatibo.
Karaniwang nakikilala lamang ang bayaning heneral sa kanyang monumento na ilang dekada nang nakatindig sa bungad ng Pamilihang Lungsod ng Malolos sa kabayanan.
Simbulo ito ng pagkilala kay Hen. Torres bilang unang taga-Malolos na humawak ng kapangyarihan bilang isang alcalde mayor ng Bulacan. Katumbas ito ng posisyong gobernador o punong lalawigan sa kasalukuyang panahon.
Nagsilbing tanggapan niya ang Gobierno Militar De La Plaza na nasa kabayanan ng Malolos na ngayo’y isa nang sangay ng Manila Electric Company o MERALCO matapos ipreserba sa pamamagitan ng konseptong adaptive reuse.
Bago siya naging alcalde mayor, sumapi si Hen. Torres sa Katipunan noong 1892 kung saan nakabuo siya ng maraming mga sangay nito na tinawag na Sangguniang Lalawigang Balangay Apoy na may 6,000 kasapi.
Tinaguriang ‘Matanglawin’ dahil nakilala si Hen. Torres bilang isang mabangis na pinunong kawal sa ilalim ng administrasyong Aguinaldo sa kasagsagan ng rebolusyon laban sa mga Kastila.
Nakita ang kanyang katapangan sa madudugong labanan sa Barasoain, tulay ng Bagbag at Calumpit, San Rafael, Binakod sa San Ildefonso at sa Biak-na-Bato sa San Miguel sa pagputok ng Rebolusyon ng 1896.
Hinirang si Hen. Torres ni Pangulong Emilio Aguinaldo bilang heneral noong Hunyo 1897 kung saan nagkaroon siya ng papel sa pagtatatag ng ngayo’y tinatawag na Hukbong Katihan ng Pilipinas.
Sa pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas, pinangunahan niya ang parade ng nasa 6,000 kawal ng Hukbong Katihan sa Paseo del Congreso patungo sa simbahan ng Barasoain sa Malolos.
Nahalal din siyang kasapi ng Philippine Assembly noong 1907 na itinatag ng Pamahalaang Sibil ng Amerika sa Pilipinas. Namatay noong Disyembre 5, 1928 sa edad na 62.