LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA)- Isinusulong ng Department of Tourism (DOT) na pormal nang maideklara ang mga Kalutong Bulakenyo na ginagawa sa iba’t ibang bayan at mga lungsod sa Bulacan, bilang City of Gastronomy ng United Nations Education, Scientific and Cultural Organization o UNESCO.
Kaya’t sa pagbubukas ng Buwan ng Kalutong Filipino sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center, ipinahayag ni DOT-Region III Regional Director Richard Daenos na base sa obserbasyon ng ahensiya, kumpleto sa mga kailangang rekisito ang Bulacan upang pumasa ang Kalutong Bulakenyo sa designasyon ng UNESCO bilang City of Gastronomy.
Ang kailangan lamang aniya ay maipon ito at maging pormal ang paghahain sa UNESCO. Kabilang sa mga rekisito ang pagiging laganap sa isang lugar at kilala ito ng maraming bilang ng populasyon ang isang kaluto.
Isang pinaka-akmang halimbawa rito ang tinatawag sa Bulacan na Menudong Bukid o Menudong Barrio at laganap sa maraming pagtitipon sa lalawigan. Gayundin din ang Longganisang Calumpit at Tinapang Bangus na naiuulam sa araw-araw.
May mga kainan na rin sa Bulacan na regular na naghahain ng mga potaheng Kalutong Bulakenyo na isang mahalagang rekisito. Ang mga sangkap sa pagluluto nito ay dapat itinatanim at mabibili mismo sa lalawigan.
Pasok din sa rekisito na marami sa mga propesyunal at kinikilalang tagaluto sa Bulacan ay may kaalaman at kakayahang makagawa o makapagluto at makapaghain nito, sa kabila ng nagbabagong panahon at teknolohiya.
Binigyang diin pa ni Regional Director Daenos na kitang kita naman sa mga fiesta at festivals sa Bulacan ang pagtatanghal ng mga katutubo at kalutong pagkain. Halimbawa rito ang Minasa Festival ng Bustos, Kakanin Festival ng Marilao, Chicharon Festival ng Santa Maria, Pastilyas Festival ng San Miguel at ang Fiesta Republika ng Malolos.
Bukod sa pagtatanghal sa anibersaryo ng pagkakatatag Unang Republika ng Pilipinas, sinasariwa rin sa Fiesta Republika ang Bangkete na kinakatampukan ng mga pagkaing inihain sa kauna-unahang State Banquet ng bansa. Malaking puntos aniya para pamantayan ng UNESCO ang pagdadaos ng nasabing mga festivals.
Nakapaloob din sa nasabing mga festivals ang iba’t ibang gastronomic awards, contests at iba pang broadly-targeted na paraan ng mga pagkilala. Dito sa Bulacan, pinasimulan noong 2022 pagbibigay ng Pagkilala sa mga Tagapagsulong ng Kalutong Bulakenyo,at ang paggawad ng Haligi ng Kalutong Bulakenyo.
Nakalakip na riyan ang promosyon ng sustainable local products na matagal nang itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ilalim ng Tatak Bulakenyo Program simula noong 2003.
At paghuli, tinitignan din ng UNESCO kung ito ay naipapasa sa mga bagong henerasyon.
Ayon kay Provincial History, Arts & Culture and Tourism (PHACTO) Head Eliseo Dela Cruz, taong 2012 pa nang isinulong ng Kapitolyo na maipaturo sa mga asignaturang Home Economics at mga kursong may kinalaman sa paghahanda at pagluluto ng pagkain ang paggawa sa mga Kalutong Bulakenyo.
Sa kasalukuyan, nasisimulan na itong maisakatuparan sa pamamagitan ng SHINE Bulacan o ang Sustainable Heritage Imbibing Nationalism through EduTourism sa pagtatalungan ng PHACTO at ng Bulacan State University (BulSU). Pinondohan ito mula sa 40% na share ng pamantasan sa Travel Tax na nakokolekta ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Kaugnay nito, sinabi naman ni Gobernador Daniel Fernando na akmang-akma ang kasalukuyang tema ng Buwan ng Pambansang Kalutong Filipino na ‘Mayaman, Malinamnam at Katakam-Takam’ dahil lalo nitong pinapalitaw at pinapasigla ang mayamang ambag ng ating mga ninuno sa aspeto ng pagkain.
Hindi aniya maikakaila na ang mga Kalutong Bulakenyo ay ambag sa pagkakakilanlan ng mga Bulakenyo bilang isang marangal na lipi.
Tiniyak ng gobernador na hindi matatapos ang pagsuporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga gumagawa at naghahain nito na nagsisilbing kabuhayan at malaking bahagi ng turismo ng lalawigan.