Small water impounding project, farm-to-market road pinasinayaan sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ng Department of Agriculture at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang inagurasyon ng P12M Maiboy Small Water Impounding Project (SWIP) at P20M 1 km Farm-to-Market Road sa ilalim ng DA Rice Program kahapon sa Brgy. Sta. Lucia sa bayan ng Angat.

May 12 metrong taas na istruktura at 125 metrong haba ng dam, inaasahang masusuplayan ng Maiboy SWIP ang mga pananim sa 35 ektaryang lupain na sumasaklaw sa mga lugar ng produksyon ng pagkain sa mga barangay ng Banaban, Sta. Lucia at Binagbag.

Mahalagang bahagi ang ginampanan ng Provincial Agriculture Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang pagsuporta sa proyekto kung saan pinangasiwaan nito ang pagtukoy sa lugar, balidasyon at endorsement sa DA. Nakakasa na rin ang mga plano para sa konstruksyon ng tatlong karagdagang SWIP sa San Miguel (2) at San Ildefonso (1).

Binigyang diin naman ni Panlalawigang Pinuno sa Pagsasaka Ma. Gloria SF. Carrillo ang kakayahan ng Maiboy SWIP na makontrol ang pagbaha sa dahilang mapipigilan nito ang pagbulusok ng tubig pababa.

Sa kabilang banda, ang 1 km Farm-to-Market Road na may sukat na 1.05 km ang haba, 30 cm ang kapal (katumbas ng 12 pulgada), at 5 metro ang lapad na idinisenyo para sa bilis na 30 km/h, ay magpapadali sa pagbiyahe ng mga produkto kabilang ang palay, mangga, at iba pang high-value commercial crops, pinapaikli ang oras ng paglalakbay at binabawasan ang pagkalugi pagkatapos ng ani. Magbebenepisyo sa kalsadang ito ang may 50 magsasaka mula sa mga barangay ng Sta. Lucia at Binagbag.

Tinukoy naman ni Inh. Lester Bacual mula sa DA RFO3 ang kahalagahan ng operation and maintenance plan ng lokal na pamahalaan upang matiyak na mapakikinabangan ang proyketo sang-ayon sa itinalagang lifespan nito.

“After po ng completion, hindi po doon natatapos ang project natin. Kailangan po natin mag-implement ng operation and maintenance. So dalawa po ang keyword dito, ‘yung operation ay ‘yung tamang paggamit, no overloading, obstruction and over speeding. Sana din po ay makapag provide ang munisipyo ng maintenance plan para ma-maintain po natin ang target life na 20 years ng ating FMR,” paliwanag ni Bacual.

Nagpahayag din ng kanyang pasasalamat si Punong Bayan Mayor Reynante “Jowar” Bautista ng Angat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alexis C. Castro, at kay DA Secretary Francisco T. Laurel, Jr. para sa kanilang suporta sa pagbibigay katuparan sa water impounding project at farm-to-market road na tiyak na magpapaunlad sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

“Umaapaw ang aking tuwa at kagalakan dahil siyempre nakita ko ang mga pangarap at pangyayari na nagaganap dito sa Bayan ng Angat dahil alam ko na napakalaking bagay ang mga proyektong ibinababa sa atin ng national government. Generally, 80% of Angat ay agricultural pa rin kaya malakig tulong ang mga proyektong pinapasinayaan ngayon. Sa mga magsasaka na mabibiyaan ng mga proyektong ito, sana ay ma-maximize natin ang proyektong ito dahil unang-unang ingredient sa pagsasaka ay tubig at ayan na ang tubig, nakita na natin,” ani Bautista.

Gayundin, binigyang diin ni Castro na hindi lamang ilan ang makikinabang sa mga bagong pinasinayaang istruktura kundi maging ang buong komunidad.

 

“Ang proyektong ito ay hindi lamang simpleng imprastraktura—ito ay simbolo ng pag-asa at pag-unlad para sa ating pamayanan. Sa pamamagitan ng SWIP at FMR, hindi lamang ang ating mga magsasaka at mangingisda ang magbebenepisyo, kundi pati na rin ang kabuuang komunidad. Ang tubig na makokolekta mula sa proyektong ito ay magiging malaking tulong sa pagsasaka at agrikultura, na siyang pangunahing ikinabubuhay ng ating bayan at ng buong Bulacan,” ani Castro.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Pangulong Joseph H. Del Rosario ng Prime Farmers Association of Sta. Lucia, Inc. at Federation ng Samahan ng mga Magsasaka ng Angat sa mga indibidwal na responsable sa pagtatayo ng mga nabanggit na proyekto at ibinahagi ang kanilang mga naging karanasan bago ang kontruksyon ng farm-to-market road.

“Noong time po na walang ganitong kalsada, ‘yung mga magsasaka hindi magiik ang inaaning palay dahil mahirap ang daan para puntahan ng private sector, mga may-ari ng harvester kaya naranasan namin na ilaban ng hati ang giikin. Noon namang may harvester kami, naranasan din naming halos kada dadating ang ahunin, ibababa namin sa trailer ang harvester at ikakarga muli, kalahating araw bago makarating. Kaya lubos po kaming nagpapasalamat sa pamahalaan, napakalaking tulong ‘yung mga proyektong kagaya nito at kami namang magsasaka, aming ipapangako na tutugon kami sa pangangailangan ng ating bayan, ang food security,” pangako ni Del Rosario.

Dumalo rin sa seremonya ng inagurasyon sina Agricultural Program Coordinating Officer Memito Luyun III, na kinatawan si DA OIC – Regional Director Eduardo L. Lapuz, Jr., Inh. Rene DC. Sarmiento at Inh. Jowen Erl Nepomuceno mula sa Department of Public Works and Highways, Pangalawang Punong Bayan Arvin Agustin at kanyang mga miyembro sa Sangguniang Bayan kabilang sina Konsehal William S. Vergel De Dios, Darwin A. Calderon, Evelyn J. Cruz, Melandro G. Tigas, at Luis Santiago, Municipal Agriculture Office OIC Ira Raya Cruz at ilang magsasakang Angatenyo.