5 sugatan sa marahas na demolisyon sa Angeles City

Lima katao ang iniulat na nasaktan matapos magtamo ng mga tama ng bala makaraang mauwi sa marahas na pamamaril ang isinasagawang demolisyon sa Sitio Balubad, Barangay Anunas, Angeles City nitong Martes ng umaga, Marso 12, 2024.
 
Sa inisyal na report ni Angeles City Police chief PCol Amado Mendoza Jr.  kinilala ang mga biktima na sina Gregorio Navarette, 47, binata; Anna Marie Alper, 57, kapwa residente ng Purok 2, Barangay Anunas, AC; John Singian, 22,, binata, Alvin Nobicio, 32, binata, kapwa residente ng Purok 1, barangay Anunas at Melvin Dela Cruz, 36, binata ng Barangay Margot, Angeles City.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, ang mga biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa balikat, sa hita, sa tagiliran at sa tuhod at pawang mga nasa panig ng mga pinapalayas na residente sa nasabing lugar na sakop at pag-aari ng Clarkhills Properties Corporation.
 
Base sa ulat, bandang alas-11:30 ng umaga nang magsimula nang kumilos para paalisin ng mga demolition team ang mga residente subalit nauwi sa marahas na pamamaraan kung saan kasunod nito ay nakarinig na ng sunod-sunod na putok mula sa di mabatid na kalibre ng baril.
 
Arestado naman ang dalawang suspek na sina Halid Isdali, 37 at Jomar Abdul, 30, kapwa ng Barangay Asmic, Angeles City.
 
Ayon kay Col. Mendoza, ang mga suspek ay naaresto sa aktong may hawak ng Caliber .45 at Caliber .9mm ng mga police personnel ng AC Police na nagsasagawa ng police assistance kaugnay ng demolisyon. Ang mga suspek ay hindi umano kasapi ng demolition team.
 
Ligtas naman na ang mga biktima na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Rafael Lazatin Memorial Hospital. 
 
Isang miyembro ng mamamahayag ang una ring inireport na nawawala at dinukot umano sa kasagsagan ng kaguluhan at ilang oras na hindi makita at makontak.
 
Siya ay kinilalang si Rowena Quejada, reporter ng K5 radio at miyembro ng Central Luzon Media Association (CLMA-Olongapo Chapter).
 
Sa text message ni Police Regional Office 3 (PRO3) regional director PBGen. Jose Hidalgo Jr. sinabi nito na wala umanong media ang dinukot o nawawala.
 
“Hindi po siya na-abduct, kasama siya ng isang Koreano na lumabas sa demolition site. Ang report ni Quejada sa PNP ay nawawala ang cellphone niya kaya siguro hindi siya makontak ng mga kasamahan niya kaya nai-report na na-abduct,” text message ni Hidalgo.
 
Sa panayam naman kay Arnel San Pedro, head ng Angeles City Information Office, sinabi nito na isang banyaga ang dumampot kay Quejada para hindi masaktan sa kaguluhan at pansamantalang ikinubli hanggat hindi natatapos ang tensyon at pagkaraan ay nakauwi rin ng payapa.
 
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Angeles City Police sa nasabing demolisyon kung papaano at bakit humantong sa pamamaril ang demolisyon.