LUNGSOD NG MALOLOS– Idiniin ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang Pasko ay dapat na tungkol sa kapanganakan ni Hesukristo at hindi nakatuon sa mga palamuti sa ginanap na “Paskong Bulacan at Pag-iilaw ng Krismas Tree” sa Gen. Gregorio Del Pilar Park, Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound sa lungsod na ito kagabi.
“Magarbo man o payak ang pagkakaayos, ito ay sumisimbolo sa pagsilang ng ating Manunubos, ang ating Panginoong Hesukristo. Ang bituin ng Bethlehem ay nagsilbing gabay ng tatlong hari sa kanilang paglalakbay tungo sa abang sabsaban kung saan isinilang ang Panginoong Hari ng Langit. Nawa ang liwanag na ito ay magsilbing gabay sa daang patuloy nating tinatahak bilang pamilya, bilang pamayanan at bilang isang lalawigan,” ani Fernando.
Idinagdag pa niya na ipinapanalangin niya na matapos na ang pandemya nang sa gayon ay makabalik na sa normal na daloy ng buhay kung saan malaya ang mga tao na ngumiti, yumakap, at makasama ang kanilang mga mahal sa buhay nang hindi nag-aalala sa banta ng COVID-19.
“Ito po ang unang mga pisikal na pagsasama-sama sa panahong ito na medyo nagluluwag na tayo at unti-unting bumabangon sa krisis na dulot ng pandemya. Salamat sa Diyos at magkakasama pa rin tayo patuloy na nagkakaisa upang makapagbigay ng tapat at maaasahang serbisyo sa mga mamamayan ng Bulacan,” anang gobernador.
Bilang panghuli, nanawagan siya sa mga Bulakenyo na ipagpatuloy ang disiplina at laliman ang panalangin sa Panginoon.
“Marami pa tayong mga pagsubok na kakaharapin sa mga darating na panahon at iyon po ang ating kailangang paghandaan. Magpalakas tayo. Laliman natin ang panalangin at pagmamahal sa ating kapwa tao,” ani Fernando.
Pinangunahan ng People’s Governor, kasama sina Bokal Alexis Castro at pinuno ng Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office Dr. Eliseo Dela Cruz ang pag-iilaw sa 30-talampakan Christmas Tree na sinundan ng pagputok ng fireworks sa kalangitan.
Bilang karagdagan, tinugtugan ng Hiyas ng Bulacan Brass Band ang mga manunuod sa kanilang mga Pamaskong piyesa habang hinarana naman ng Himig ng Bulakenyo kasama si Maestro German O. De Guzman ang mga Bulakenyo sa kanilang rendisyon ng “Kumukutikutitap” at “Simbang Gabi”.