Villanueva: Huwag pabayaan ang unpaid wages ng Saudi, NZ OFWs

Bagama’t unti-unti nang nababayaran ang ilan sa mga nawalan ng trabahong overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia, dapat ipagpatuloy pa rin ng gobyerno ang pagkuha ng claim para sa mga natitirang Pilipino, kasama ang iba pang nasa ibang bansa, ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva.

“This is a welcome development, but we need to ensure that all of our displaced Saudi OFWs are paid 100 percent of their back wages,” sabi ni Villanueva, principal sponsor at author ng batas na nagtatag ng Department of Migrant Workers (DMW).

 

Sen. Joel Villanueva



Ipinunto ni Villanueva na ang pagbigay ng claim, na inabot ng halos sampung taon, ay nabigyan ng agarang aksiyon matapos magkita sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Saudi Crown Prince Prince Mohammed bin Salman noong Nobyembre 2022.

“This does not include the period when some of our OFWs had to languish in makeshift tents for months, unable to come home because they did not have the financial means or did not have exit visas,” ani Villanueva.

Hiniling din ng Majority Leader sa DMW at iba pang kaukulang ahensiya na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng kinatawan sa Saudi government para maasikaso ang agarang pag-release ng back wages at iba pang benepisyo sa mga naapektuhang OFWs.

Sabi pa niya, dapat ipagpatuloy ng DMW ang pagtulong sa OFWs sa pagkumpleto ng mga dokumento at iba pang requirement na nagiging pahirap pa sa ilan Pinoy workers.

Sa liham kay Villanueva, sinabi ni DMW officer-in-charge Secretary Hans Leo Cacdac na naipadala na ang tseke mula Nobyembre hanggang Disyembre 2023 para sa unang batch ng 1,506 Pinoy na nagtatrabaho sa Saudi Oger firm.

Nagsumite rin ang DMW sa Kingdom of Saudi Arabia Ministry of Human Resources and Social Development ng pangalan ng 14,007 pang mga claimants.

Mula dito, may kabuuang 10,543 OFWs ang nakapagsumite na ng kanilang Iqmas o Saudi residence permits for foreign hires.

Sinabi pa ng DMW na kasalukuyan nilang inaayos ang memorandum of agreement kasama ang Land Bank of the Philippines para matulungan ang mga claimant sa pagkuha ng kanilang tseke.

Samantala, sinabi ni Villanueva na ngayon pa lamang ay dapat patuloy na nakikipag-usap ang DMW sa gobyerno ng New Zealand kaugnay ng pagkawala ng trabaho ng mahigit 700 OFWs noong Disyembre. Ang mga Pinoy ay nawalan ng trabaho sa ELE, na kabilang sa construction at manufacturing sector, matapos magsara ang kumpanya bago mag-Pasko.

“We hope things are moving right now as we speak.  We don’t want our OFWs from New Zealand to suffer the same fate of our Saudi workers who waited for 10 years,” diin pa ni Villanueva.