LUNGSOD NG MALOLOS– Sinalubong ni Gobernador Daniel R. Fernando si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at lahat ng nasyunal at lokal na delegado sa komemorasyon ng Ika-125 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa makasaysayang bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito kaninang umaga.
Ani Fernando, nag-ugat ang mga simulain sa pamamahala ng bansa sa dakilang Lalawigan ng Bulacan.
“Ang Kongreso ng Malolos ang nagtakda ng Unang Republika ng Pilipinas, ang kauna-unahang malayang republika sa buong Asya; dito binalangkas ang unang Saligang Batas ng Pilipinas; at dito unang itinatag ang mga pamantayan para sa isang matapat na pamahalaan at mataas na uri ng pulitika,” anang gobernador.
Samantala, sinabi ng Pangulo na patuloy na nagbibigay-inspirasyon ang kasaysayan na nabuo sa Simbahan ng Barasoain sa mga Pilipino upang malampasan ang mga pagsubok na humaharang sa martsa ng bansa tungo sa pag-unlad.
“To a world skeptical of a former colony’s capacity for self-rule, the Malolos Republic erased all doubts. To the Filipinos who liberated their own selves by blood but were doubtful that the promises of the revolution could be redeemed, the Malolos Republic raised their hopes once again for a brighter tomorrow,” ani PBBM.
Idinagdag pa niya na bilang tagapangalaga ng legasiyang ito, inaasahan ang mga Pilipino na gawing maayos ang ekonomiya, matatag ang demokrasya, ligtas ang hinaharap, at matibay ang bansa.
“As beneficiaries of their heroism, we pledge to continue to pay those dues. For that is the only way that we can honor those who founded this Republic, those who fought for its ideals, and those who fell in the war,” dagdag ni Marcos.
Dumalo rin sa okasyon sina Pangulo ng Senado Juan Miguel F. Zubiri, Ispiker Ferdinand Martin G. Romualdez, Kalihim Tagapagpaganap Lucas P. Bersamin, Tagapangulo ng Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas Emmanuel Franco Calairo, Puno ng Kalupunan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas Hen. Romeo S. Brawner, at iba pang lehislador, opisyal ng sangay ng ehekutibo, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Eksaktong 125 taon na ang nakalilipas, inihalal si Heneral Emilio Aguinaldo bilang Pangulo ng Republika, at itinakda ang kanyang termino na apat na taon.
Ang Unang Republika ng Pilipinas ay kumpleto sa mga katangian ng estado na may tatlong sangay ng pamahalaan, isang konstitusyon, at teritoryong napapasailalim ng gobyernong may hukbong sandatahan.
Bahagi ang milyahe sa Ika-125 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas at Pagkabansa 2023-2026 na gumugunita sa mga pangyayari na naghatid sa Kalayaan ng Pilipinas at sa pagsulong ng bansa mula 1898 hanggang 1901.