BULACAN –Ipinagharap ng magkakahiwalay na kasong ‘sexual abuse’ ang dating konsehal ng bayan sa San Miguel, Bulacan ng umanoy dalawang biktima nito sa Bulacan Provincial Prosecutor’s Office kamakailan.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Joey Cruz sa panayam ng Bulacan based media nitong nakaraang Linggo (Enero 21, 2024), na siyang tumatayong abogado ng mga biktima na kinilala lamang sa alyas “Mark”, 35 at “Joey”, 30 habang ang respondent ay kinilalang si Melvin Santos, residente ng Barangay Camias, dating Kapitan ng Barangay at dati ring nanungkulan bilang municipal councilor sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Cruz sa naging salayasay ng dalawang biktima, sinabi ng mga ito na kapwa sila 17-anyos noon ng sila ay dalhin ni Santos sa kanyang bahay at doon sila minolestiya sa magkakahiwalay na insidente.
Ang kaso ay isinampa sa Bulacan Provincial Prosecutor’s Office nito lamang Enero 17, 2024.
Base sa 9-pahinang salysay ng mga biktima, puwersahan umano silang minolestiya ni Santos kung saan ay sapilitan anila sinubo ng suspek ang kanilang mga ari.
Dahil may hawak daw na baril noon si Santos ay hindi na sila nakapanlaban ng pagsamantalahan sila ng dating konsehal na nagbanta pa na sila ay papatayin kapag nagsumbong.
Sa panayam ng media ay sinabi ng dalawa na makaraan ang ilang taon ng pananahimik ay nagdesisyon na sila na magsampa ng reklamo dahil marami na daw ang naglalabasan na mga nabiktima din umano ni Santos.
Samantala, ito na ang ikatlong kaso ng sexual abuse na isinampa laban kay Santos sa piskalya.
Unang naghain ng reklamong rape at sexual abuse nitong nakaraang ika-18 ng Disyembre ang isang 21-anyos na lalake na si alyas “Roy” na dati namang tauhan ni Santos sa punerarya.
Sa salaysay ng biktima ay 16anyos pa lamang siya noong naganap ang panghahalay sa kanya ni Santos kung saan ay tinakot din siya nito gamit ang baril at pagbabanta pati na sa kanyang pamilya.
Ayon sa text message ni Santos, sinabi nito na nakahanda siya at ng kaniyang abogado na sagutin sa korte ang mga akusasyon na aniya’y walang katotohanan.