BULACAN – Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office na magiging fully operational na ang tatlong pumping stations at flood control structures bago matapos ang taong 2021 na siyang tutugon sa suliranin sa baha sa mga low-lying areas sa bayan ng Bocaue, Bulacan.
Ayon kay District Engineer Henry Alcantara ng DPWH-1st District Engineering Office, ang proyekto ay may kabuuang P292M halaga na kinabibilangan ng flood control structures ng Bocaue River kasama ang mga tributaries o mga creek na sumasanga sa ilog partikular na sa mga barangay ng Bunlo at Lolomboy at tatlong pumping stations.
Aniya, ang pondo sa nasabing proyekto ay galing sa budget ni Senator Joel Villanueva mula sa Department of Budget and Management (DBM) under General Appropriation Act (GAA) for the year 2020.
Ito umano ay kabilang sa Multi-Year Contractual Authority (MYCA) of the 2020 GAA -For Later Release (GAA-FLR) na naantala ang pag-release ng DBM dahil sa COVID-19 pandemic.
Sabi ni Alcantara, ang 100 million nito ay inilaan sa flood control structures sa Bocaue River at tributaries sa Bunlo-Lolomboy Section; tig-P50 million naman sa Water Pumping Station No. 1 & 2 habang P92 million naman para sa Water Pumping Station 3 na pawang nasa lokasyon ng nasabing mga barangay.
Dagdag pa ni Alcantara na ang Bunlo-Lolomboy Pumping Station ay tapos na ang konstruksyon habang ang Bunlo Proper Pumping Station at Lolomboy Pumping Station pipiliting matapos bago matapos ang taon.
Nito lamang Miyerkules (Nobyembre 24) ay personal na tinungo nina Senator Joel Villanueva at DE Alcantara ang nasabing pumping stations at Bocaue River flood control project kung saan sila ay nagsagawa ng inspeksyon.
Ayon kay Villanueva, ang proyekto ay halos nasa 95 percent nang kumpleto na maghahatid ng kaginhawahan sa mga residente dulot ng pagbaha na ilang dekada nang suliranin ng mga Bocaueños.
“Kapag tumaas ang tubig baha sa mga barangay nasasakupan nito mula sa high tide o malakas na pagbuhos ng ulan ay kayang humigop ang mga water pumping stations na ito ng 1ft ng taas ng tubig sa loob ng isang minuto,” wika ni Villanueva.