ULAT NI MAYOR OMENG RAMOS SA MGA NAISAGAWANG PROGRAMA NG LYDC

Sa ginanap na pagpupulong ng mga pinuno ng mga tanggapan sa munisipyo ng Santa Maria, Bulacan  na pinangunahan ni Mayor Omeng Ramos at Municipal Administrator Engr. Elmer Clemente, inulat niya ang nagawang mga aktibidad, programa, at mga pagsasanay  ng Local Youth Development Council {LYDC} sa nakaraang 3rd Quarter ng 2023.
 
Ang Local Youth Development Council ng isang bayan ang siyang nagpaplano, bumabalangkas, at nagpapatibay ng kabuuang plano sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng sektor ng kabataan. 
 
Ito ay binubuo ng Sangguniang Kabataan Federation, at mga kinatawan mula sa Youth & Youth-Serving Organizations ng Bayan.
Dumalo rin sa pagpupulong sina Municipal Administrator Engr. Elmer B. Clemente, MLGOO Sir Jayfie Nasarro, Ex-Officio SK Kitsut Marquez na siya ring vice chairman ng LYDC, ilang SK Chairpersons ng iba’t-ibang mga barangay, at mga kintawan ng mga samahang pang-kabataan.
Dito ay binigyang pansin ang pagpapaigting ng kampanya para sa Youth Organization Registration Program o YORP ng National Youth Commission.
Gayundin ang paghahanda para sa nalalapit Youth Congress 2023 sa bayan ng Santa Maria kung saan iimbitahan ang lahat ng Youth & Youth-Serving Organizations ng bayan
Isa sa importanteng babalangkasin at pagtitibayin ng konseho ay ang Santa Maria Local Youth Development Plan para sa mga taong 2024-2026 kung saan nakapaloob ang mga programa, proyekto at mga aktibidad na pang-kabataan sa mga susunod na taon.
Patuloy ang pagpapalakas at pagpapaangat mga programa at serbisyo para sa sektor ng kabataan dahil nais ni Mayor Omeng Ramos na mapaganda pang lalo ang mga serbisyong pang-kabataan sa Santa Maria.
 
Kasabay din nito ay inilahad ng magaling na alkalde ang mga paparating pang mga programa, proyekto, at aktibidad sa mga natitira pang buwan.
Ipinahayag pa niya na patuloy nilang pagsusumikapan na mas gawing aktibo at patuloy na makagawa ng mga programang magpapaunlad sa sektor ng kabataan sa ating bayan.
 
Kamakailan nga ay ginanap ang Groundbreaking Ceremony para sa itatayong highschool building sa tabi ng St. Mary Village Elementary School sa Northville 5A Barangay Caysio.
Isa ito sa mga priority projects ni Mayor Omeng na tiniyak niyang magkakaroon ng katuparan upang mas makatulong pa sa mga nangangailangan nating mga kababayan.
 
Kaya nga sa panunungkulan ni Mayor Omeng ay patuloy ang pagbuhos ng malalaking proyekto sa bayan ng Santa Maria katuwang ang buong Sangguniang Bayan.
Ang nagkakaisang slogan ngayon ng bayang Santa Maria ay Sama-samang Ibalik ang Santa Maria sa No. 1dahil sa One Santa Maria, lahat kasama!