LUNGSOD NG MALOLOS – Matagumpay na tinapos ng mga bayan ng Guiguinto, Hagonoy at Doña Remedios Trinidad ang selebrasyon ng Singkaban Festival 2023.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nanguna ang Guiguinto sa mga kalaban nito sa Parada ng Karosa at itinanghal na Grand Champion para sa kanilang lahok na hango sa Halamanan Festival at nag-uwi ng P100,000 at tropeo.
Pumangalawa naman ang Munisipalidad ng Angat na bagaman unang sabak sa kumpetisyon ay nagwagi ng P70,000 at tropeo at sa ikatlong puwesto ang Munisipalidad ng Bulakan na may P50,000 perang gantimpala at tropeo. Consolation prize na halagang P25,000 bawat isa naman ang tinanggap ng Lungsod ng Meycauayan at mga bayan ng Santa Maria at Calumpit.
Para sa Arc Making Competition, nasungkit ng Munisipalidad ng Hagonoy ang unang pwesto at tumanggap ng P60,000 perang gantimpala, ang Munisipalidad ng Marilao sa ikalawang pwesto na may P35,000 at bayan ng Calumpit sa ikatlong pwesto na tumanggap naman ng P25,000 na perang insentibo. Karangalang banggit naman ang mga bayan ng Bocaue, Bustos at San Miguel na tumanggap ng tig-P10,000.
Gayundin, nakuha ni Ray Alvin Gumafelix ang unang gantimpala sa Cultural Costume Competition at nag-uwi ng P35,000 at tropeo para sa kanyang lahok na manika na nakasuot ng damit na naglalarawan sa sining at kultura ng bayan ng DRT.
Tinawang ang kanyang lahok na “Mama Lourdes of Bulacan’s Last Frontier” kung saan ang nasabing obra maestra ay nagbibigay pugay sa Mapaghimalang Nuestra Señora de Lourdes na kilala bilang “Mama Lourdes of Sierra Madre: Church from the Hill” ng DRT, isang bulubunduking lupain na may marilag na tanawin sa tuktok nito.
Si John Errol Pascual naman ang nakakuha ng ikalawang pwesto at nanalo ng P25,000 at tropeo na tampok ang bayan ng Calumpit; at ikatlong pwesto si Daniel Feliciano Gonzales na nag-uwi ng P15,000 at tropeo para sa Guiguinto. Ipinagkaloob naman ang consolation prizes na nagkakahalaga ng P8,000 bawat isa kina Marlon Fuentes (Bocaue), Lean Robert Abejuela (Bulakan) at Anthony Mancao (Pandi).
Pinangunahan ni Bise Gobernador Alexis C. Castro kasama ang Pangalawang Tagapangulo na si Romeo “Bobby” Dela Rosa ng Bulacan Culture and Arts Council ang seremonya nang paggawad para sa tatlong paligsahan.