LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong ng gobyerno sa libu-libong Bulakenyong apektado ng Habagat at mga Bagyong Egay at Falcon kahapon (Agosto 7).
Tinawag na ‘Distribution of Various Government Assistance’ na ginanap sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito kahapon, namahagi si PBBM kasama sina Gob. Daniel R. Fernando ng Bulacan, Bise Gob. Alexis C. Castro, Kalihim Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development at Kalihim Bienvenido E. Laguesma ng Department of Labor and Employment ng family food packs at P10,000.00 bawat isa sa 1,000 evacuees na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), programa ng DSWD.
Gayundin, ginanap ang seremonya ng pagkakaloob ng Department of Trade and Industry ng proposed livelihood kits kabilang ang salon, bakery, eatery, barber shop, frozen foods, at bigasan para sa 20 kumpirmadong micro enterprises mula sa mga bayan ng Balagtas, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Pulilan at Lungsod ng Malolos.
Kasabay rin nito, nagpamigay ang DOLE ng may kabuuang P770,924.00 para sa 154 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage Workers (TUPAD), na bahagi ng kabuuang 9,465 beneficiaries sa lalawigan na may inilaang kabuuang halaga na P41, 697, 600.00 na kanilang matatanggap na payout sa kani-kanila ng munisipalidad.
“Kaya po kami nandito alam po namin ang mga nangyari at naghihirap, maraming naghihirap ngayon at dahil nga sa napakalaking tubig na bumagsak at napakalaking tubig na bumababa galing sa itaas kaya’t ‘yan po ang naging problema natin. Kaya po ang sadya namin dito ay tiyakin na maganda naman ang patakbo ng distribusyon ng mga tulong na dinadala namin,” anang Pangulo.
Agad ring tumungo ang Pangulo at ang buong grupo sa Situation Briefing Room with Select Regional Line Agencies upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng lalawigan.