Dalagitang ginahasa, patay! Ito ang ipinaabot na ulat ng isang ka-chat nating Ginang sa Social Media, mula sa Zamboanga City (ZC,) ayon sa kanya nabatid din niya ang pangyayari sa Facebook, na atin naman agad na nakita ang police report.
Batay sa ulat ng pulisya nakita ang bangkay ng dalagitang, 17 yo, hindi na natin pangangalanan ang biktima, walang asawa at naninirahan sa Barangay Pasobolong, Zamboanga City, kamakailan.
Nabatid sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na dakong 1:30 PM, noon ding araw na iyun, isang kabataang lalaki, 12 y/o, ng Nazareth drive, Brgy. Culianan, ZC kasama ang kanyang mga kaibigan ay naglalakad sa lugar ng insidente, at doon sa madamuhang bahagi ng lugar. ay namataan nila ang nasabing bangkay.
Agad na ipinaalam sa pulisya, na daglian namang inaksyunan at pinuntahan ng mga awtoridad ang pinangyarihan ng krimen at ibinunyag na nasa ‘state of decomposition’ na ang katawan ng biktima. Dagdag pa, buo ang damit ng biktima ngunit narekober ang kanyang ‘underwear’ malapit sa pinangyarihan, at isang strap ng eco bag ang itinali sa leeg ng biktima. Matapos ang inisyal na imbestigasyon, dinala ang bangkay sa Saint Peter Funeral, Brgy. Divisoria, ZC, para sa kaukulang disposisyon, habang naghihintay ng ‘autopsy examination’ para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. Samantala, nagsasagawa na ngayon ng ‘follow up investigation’ ang pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa suspek.
Tsk! Tsk! Tsk! Kaawa-awang biktima. Ang Katropa ay nagbibigay pugay sa ating pulisya na nagsagawa ng dagliang imbestigasyon sa nasabing kaso, at nananalangin na agarang matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng mga salarin.
Maliban sa pagiging adik sa bawal na gamot, itong pangagahasa at pagpatay ng isang tao ay ang nakaririmarim at karumaldumal na gawain ng isang nilalang na may abnormal na pagiisip. Sa sumbong sa Katropa, binanggit pa ng Ginang na siya man din ay natatakot, sapagkat may batang apo, 17 yo, siyang nagaaral na dumadaan sa may talahiban at nagtataasang punong kahoy, papasok at pauwi mula sa eskuwela.
Dapat sigurong magsipag ang mga lokal na pulisya sa pagpa-patrolya sa mga lugar na madawag o masukal. Partikular na sa gabi na ang liwanag ng mga ilaw ng poste ay layu-layo.
Sa mga puno at guro ng mga paaralan, lalo na sa lugar na nabanggit, ugaliing ipahayag ang kahalagahan ng seguridad sa mga magaaral, lalo na ang mga dumaraan sa mga masukal na daanan pauwi ng kanilang tahanan. Dapat na ipaalala pa rin na maglakad ng may kasama ang isang magaaral, lalo at ito ay menor de edad, Ituro sa mga magaaral na maging listo at may kamalayan sa paligid. At sa mga lokal na opisyal, magpagawa kayo ng mga daanang ligtas sa masasamang tao at kung maaari ay sementado, may mga ilaw at mga barangay tanod na lagiang magpapatrolya umaga man o gabi. Iyan ay suhestiyon lamang, Hanggang sa muli.