Bulacan, pinarangalan ang buhay at legasiya ng namayapang Bokal Felix V. Ople

THANK YOU AND GOODBYE, BM TOTI.
Tumingin sa huling pagkakataon sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro kasama sina (kaliwa) dating Bokal at Bureau of Customs Director Michael Fermin at (kanan) Obispo Deogracias S. Iñiguez, Jr. sa mga labi ni dating Bokal Felix V. Ople sa ginanap na luksang parangal sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lungsod ng Malolos, Bulacan kahapon.

LUNGSOD NG MALOLOS- Inalala ng mga dati at nakaluklok na lokal na opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Gob. Daniel R. Fernando ang simple at payak na buhay at pinarangalan ang legasiya ng dating Punong Bayan ng Hagonoy at Bokal Felix Magdiwang “Toti” V. Ople sa isang luksang parangal sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kahapon.

“Sa kabila ng kanyang mataas na pinagmulan sa buhay, si Bokal Toti po ay namuhay ng payak, may kababaang loob. Isinilang at lumaki sa kaginhawahan, ngunit mas pinili niyang sundan ang tagubilin ng ama na huwag iwanan, bagkus ay paglingkuran ang Lalawigan ng Bulacan, lalo na ang Bayan ng Hagonoy na labis niyang minahal,” anang gobernador.

Parehong binalikan nina Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang masasayang alaala kasama ang beteranong politiko na nagsilbi bilang lehislador sa lalawigan nang siyam na taon.

“Mahirap maghanap ng tunay na kaibigan sa politika pero nakita ko po kay Kuya Toti ang isang tunay na kaibigan, parang kapatid,” ani Castro matapos maghandog ng awitin na may titulong “You Raise Me Up” kay Ople.

Matapos ito, iniabot ni Castro kasama ang buong Ika-11 Sangguniang Panlalawigan sa naiwang pamilya ang kopya ng Kapasiyahan Blg. 555-T’2023 na naglalaman ng mataas na pagkilala at natatanging parangal para kay Toti Ople.

Gayundin, nagbigay pugay sina dating Bokal at Bureau of Customs Director Michael Fermin, Punong Bayan ng Hagonoy Flordeliza Manlapaz, dating Gobernador Roberto Pagdanganan, at Kinatawan ng Unang Distrito Danilo Domingo sa namayapang politikong Hagonoeño.

Samantala, pinasalamatan ni Luis V. Ople, pinakamatanda sa magkakapatid na Ople, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Fernando at Castro sa buong pusong pagpaparangal sa kanilang kapatid. Idinagdag pa niya na katulad ng ikalawang pangalan ng kanilang kapatid na “Magdiwang”, ang pagpupugay ay isang pagdiriwang ng magandang buhay ni Toti bilang lingkod bayan.

Nagmula ang labi ni Ople sa Christ the King Chapel sa Greenmeadows, Quezon City kung saan ito ibinurol simula nang namayapa ito noong Hulyo 13.

Matapos ang luksang parangal, inilipat ang labi ni Ople sa Cherubim of Heaven sa San Pedro, Hagonoy hanggang sa Hulyo 21 kung kailan siya ihahatid sa kanyang huling hantungan sa Hagonoy Catholic Cemetery.