Sa isinagawang imbestigasyon ng kapulisan, kinilala si Victor Sta. Rosa bilang may ari at operator ng quarry kasama ang kanyang mga tauhan na sina Virgilio Cabucoy, Jesus Cabucoy, Pelagio Cuervo, William Lorenzo, William Jocson, Melchor Carida, Jerry Abunda at Jun Pasios.
Ayon kay Atty. Julius Victor Degala, hepe ng BENRO, wala aniyang maipakitang mga kaukulang permit o dokumento ang mga suspek kaugnay ng kanilang isinasagawang pagmimina kaya naman agad silang naaresto.
Tinatayang nasa 470.5 cubic meters ng escombro ang nakuha mula sa mga minero na nagkakahalaga ng P16,762.00, kasama na ang mga manu-manong gamit sa pagmimina gaya ng 100 piraso ng sinsil, apat na pala, tatlong bareta, tatlong palakol, at isang maso na gagamiting ebidensiya laban sa kanila.
Samantala, binigyang diin naman ni Fernando ang kanyang kagustuhang tuluyang mawakasan ang illegal quarrying sa lalawigan at muling nilinaw ang layunin ng Executive Order No. 21-2022.
“Wala pong sasantuhin ang Pamahalaang Panlalawigan at tinitiyak ko, kasama ng pinuno ng BENRO na si Atty. Juvic Degala, na lahat ng magsasagawa ng iligal na quarrying ay mananagot sa batas lalo na at hindi pa naman nali-lift ang Executive Order No. 21. Kaya po ang inyong lingkod ay nakikiusap na tumalima po tayo sa kautusang ito pati na ang ibang environmental laws at itigil na ang mga makasarili at iligal na gawain. Asahan niyo rin po na mas paiigtingin pa namin ang mga operasyong ito para tuluyang mawakasan ang iligal na gawaing ito,” anang gobernador.
Haharapin ng mga naaresto ang mga kaso ng paglabag sa RA 7942 (Mineral Theft), Provincial Ordinance No. C-005 (Bulacan Environmental Code) at Executive Order No. 21-2022.
Noong nakaraang buwan, inaresto rin ang mga indibidwal na nagbebenta ng escombro gamit ang Facebook marketplace sa isang operasyon na pinangunahan ng BENRO kung saan may kabuuang apat na dump truck na may kargang escombro na walang delivery receipt ang nakumpiska at na-impound sa lumang Provincial Engineering Office sa Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Pinarusahan din ang iba pang lumabag kabilang na ang 98 sasakyang walang accreditation sticker; 21 sasakyan na walang delivery receipts/transaction slips; tatlong sasakyang may kargang mineral na labis ang dami at tatlong illegally operated areas.
Ipinaguutos ng Executive Order No. 21 ang pansamantalang pagsususpindi ng quarrying at iba pang katulad na aktibidad upang mapangalagaan ang kalikasan at likas na yaman ng Lalawigan ng Bulacan.