LUNGSOD NG MALOLOS – Siyam na Bulakenyo na naghahanap ng trabaho ang matagumpay na nakakuha ng trabaho sa 2024 Singkaban Job Fair for Local Employment na inorganisa ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) na naganap sa WalterMart Malolos sa Brgy. Longos noong Setyembre 13, 2024.
Mula sa 238 na mga rehistrado, pinahanga ng mga masuwerteng indibidwal na ito ang 20 lumahok na employer at agad na natanggap sa trabaho.
Sa kanyang mensahe na ipinabatid ni Tricia Salviejo, kinatawan ni Gobernador Daniel R. Fernando, hinihikayat niya ang mga dumalo na maging pinakamahusay na bersyon ng kanilang mga sarili.
“Mga minamahal kong kababayan, narito na ang simula ng panibagong kabanata ng inyong buhay. Umaasa ako na buong puso ninyong ipamamalas ang inyong husay, sipag at determinasyon anuman ang makuha ninyong trabaho. Ipakita ninyong karapat-dapat kayo sa ipinagkaloob na tiwala ng inyong mga employers at pagsumikapang lalo pang linangin ang inyong kaalaman at kakayahan upang maging pinakamahusay kayong bersyon ng inyong mga sarili,” ani Fernando.
Sa naturang pagtitipon, iginawad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang iba’t ibang starter kits para sa paggawa ng tinapay at pastry, pananahi, pagtitingi ng bigas, at grocery packages sa 30 piling benepisyaryo mula sa mga magulang ng sektor ng mga child laborer bilang bahagi ng Integrated Livelihood Program (DILP) nito.
Isa pang makabuluhang aspeto ng fair ay ang pamamahagi ng livelihood grants na naaayon sa malawakang pamamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng Comprehensive Governance Assistance sa ilalim ng temang “Handog ng Pangulo, Serbisyong Sapat para sa Lahat.” Layon ng inisyatiba na ito na magbigay ng suporta at lumikha ng mga oportunidad para sa mga komunidad.