Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Mas pinaigting ng Police Regional Office 3 ang kampanya kontra loose firearms upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko alinsunod sa direktiba ni PRO3 Director PBGen Redrico Maranan.
Ayon sa datos ng Regional Operations Division, umabot sa 842 na mga baril ang nakumpiska sa iba’t ibang panig ng Gitnang Luzon simula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 23, 2024 habang 239 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Sa 842 na mga iligal na armas, 832 ang short firearms at 10 naman ang light weapons. Samantala, 280 sa mga ito ang nasamsam sa pamamagitan ng law enforcement operations tulad ng search warrant at checkpoint operations, 153 ang kusang isinuko ng mga may-ari at 409 ang nakuha sa Revitalized Katok.
“Ang mga ilegal na armas ay banta sa kaligtasan ng publiko lalo na kadalasan itong ginagamit ng mga kriminal, upang maisagawa ang kanilang masamang hangarin kung kaya naman paulit-ulit tayong nananawagan sa publiko na agad ipagbigay-alam ang mga nagmamay-ari o nagbebenta ng mga ilegal na armas. Gayundin naman, hinihikayat namin ang mga may-ari ng baril na i-renew ang kanilang lisensya upang maiwasang makatok ng pulisya at sakaling isuko naman ang baril ay bibigyan ng acknowledgement receipt ang may-ari para sa safekeeping,” pahayag ni Maranan.