SUNOD-SUNOD na naaresto ng mga tauhan ng Malolos City Police ang pangunahing suspek at pito pang kasama nito kabilang ang limang menor de edad na responsable sa pagpaslang sa isang person with disability (PWD) sa isinagawang follow-up manhunt operations laban sa mga ito sa loob ng isang linggo.
Kinilala ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) director ang mga nadakip na si Joshua Paul Magsakay, 18, alyas Instik, residente ng nasabing lugar at siyang pangunahing suspek sa pagpatay kay Christopher Velasco, 32, binata, residente ng 274 Don Antonio St., Brgy. San Gabriel, City of Malolos, Bulacan.
Unang naaresto ng Malolos CPS sa pangunguna ni LtCol Ferdinand Germino ang kasamahan ni Magsakay na sina Hadjie Nhor at Edwin Wenden Estrella kapwa nasa hustong taon gulang.
Arestado rin sa follow up operation ang mga menor de edad na kasamahan ni Magsakay na sina alyas “Lawrence”, “JC”, “Ryan” at “Kalbo” at isang alias “Aljay”.
Nabatid na paulit-ulit na pinagsasaksak ng grupo ang biktima noong Bagong Taon (Enero 1) bandang alas-5:30 ng umaga sa crossing ng Sto Niño at Estrella St., Brgy. Sto Niño City of Malolos, Bulacan.
Ayon kay Germino, ang mga suspek ay positibong kinilala ng mga nakasaksi sa krimen
Pahayag ng mga saksi, naglalakad noon ang biktima malapit sa lumang city hall kung saan bigla na lang ito kinursunada at hinabol ng mga suspek at nang maabutan ay paulit-ulit na sinaksak hnggang sa mamatay.
Agad naman naglabas ng P.2M cash reward si Mayor Christian Natividad para sa agarang pagkakadakip sa mga suspek na nagresulta sa sunod-sunod na pag aresto sa mga suspek.
Ayon kay Natividad, walang puwang sa lungsod ng Malolos ang mga ganitong uri ng mga kriminal kaya sinisiguro niya na mananagot lahat ng responsable sa naturang krimen.