8 sugatan sa sumabog na pagawaan ng paputok sa Bulacan

Isang lalaking biktima ng sumabog na bodega ng paputok sa Bulacan na nagtamo ng  1st – 2nd degree burn ang karga-karga ng isang volunteer rescuer upang dalhon sa pagamutan kung saan naganap ang insidente Huwebes ng tanghali.(Facebook photo CTTO)
WALO katao ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang isang factory ng paputok sa Barangay Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan Huwebes ng tanghali.
 
Base sa nisyal na report ng pulisya, ang insidente ng pagsabog ay naganap bandang alas-1:PM sa Sitio Manggahan, isang fireworks manufacturing site.
 
Ang walong biktima ay kinilalang sina Monrenzo Victoria, Jessie Cruz, Lourdes Policarpio, Marissa Victoria, Teofila Horfilla, Mary Ann Horfilla, Amanda Vicente at Christine Amper.
 
Sila ay isinugod sa Rogaciano Mercado Hospital at sa ibang local health clinic kung saan si Monrenzo Victoria ang malubhang nasugatan.
 
Nabatid na isang tawag mula sa radio ang natanggap ng Santa Maria Police kung saan ipinabatid ang naganap na trahedya kung saan marami ang sugatan.
 
Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang umusok ang ginagawang paputok at nagsimula nang sumiklab at tuluyan nang sumabog ang mga naka-imbak na ginagawang paputok.
 
Base pa sa report, ang nasabing fireworks factory ay ilegal na nag-ooperate at walang kaukulang permit.