LUNGSOD NG MALOLOS- Upang punan ang kawalan sa kita ng mga magsasaka ng palay dahil sa pagbaba ng presyo ng palay at pagtaas ng presyo ng fertilizer at iba pang inputs, magbibigay ang Department of Agriculture sa pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa 7,684 magsasakang Bulakenyo ng P5,000 Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) simula Setyembre 12 hanggang Setyembre 16, 2022.
Ang pamamahagi ay pinangunahan nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob Alex Castro kung saan ang bilang na ito ay karagdagan sa 19,588 benepisyaryo sa lalawigan na una nang nakatanggap noong Pebrero 10-26, 2022.
Muling binanggit ni Gob Fernando ang mga nakalinyang proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga Bulakenyong magsasaka kabilang ang Farmers Training Center, ang Bulacan Multiplier and Breeding Center sa Doña Remedios Trinidad, at ang sariling produksyon ng lalawigan ng vermicompost sa Farmers Productivity Center.
“Kailangan po natin mag-train ng mga anak natin na mag-focus sa farming. Kailangan na natin silang sanayin habang bata pa sila. Importante sa atin ang pagtatanim kaya hindi natin dapat ito pabayaan,” anang gobernador.
May kabuuang 1,803 magsasakang benepisyaryo mula sa mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Paombong, Pulilan, Hagonoy at Lungsod ng Malolos ang tumanggap ng ayuda kahapon sa Bulacan Sports Complex sa lungsod na ito; habang 1,496 mula sa bayan ng Plaridel, Baliwag, Bustos, Pandi, Guiguinto, Bocaue, at Balagtas ang tatanggap ngayong araw, Setyembre 13, 2022 sa kaparehong lugar.
Samantala sa Setyembre 14, dalawang grupo ng pamamahagi ang naka-iskedyul sa bayan ng San Rafael. Mamamahagi ito sa kabuuang 3,500 benepisyaryo mula sa San Miguel, Doña Remedios Trinidad, San Rafael, at San Ildefonso.
Panghuli, ang pangwakas na pamamahagi ay gaganapin sa Fortunato F. Halili National Agricultural School sa Santa Maria na may 885 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Santa Maria, Angat, Norzagaray, Marilao, at mga Lungsod ng Meycauayan at San Jose del Monte.