LUNGSOD NG MALOLOS — Nagkakaisang lumahok sa isinagawang ‘Walk for Humanity’ ang may apat na libong Bulakenyo bilang pakikiisa sa pambansang pagdiriwang ng Ika-75 Taong Anibersaryo ng Philippine Red Cross o PRC.
Idinaan ito sa northbound lane ng Manila North Road o Mac Arthur Highway mula sa Malolos City Government Center patungo sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos, Bulacan.
Ayon kay Ricardo Villacorte, chapter administrator ng PRC-Bulacan, sila ang inisyal na sasanayin ng PRC sa target na mahigit 740 libong indibidwal sa lalawigan upang maging First Aider sa kani-kanilang mga pamilya.
Ito aniya ang pangunahing layunin ng Walk for Humanity upang magkaroon ng kahit isang indibiwal sa bawat isang pamilya na marunong magbigay ng First Aid.
Ang pagbibigay ng First Aid ay isang maliit na pamamaraan ngunit nakakapagbigay ng malaking pag-asa na makasagip ng buhay, mula sa mga posibleng insidente na may mangyari sa pamilya o mga kaanak sa pang-araw-araw na hindi inaasahan.
Halimbawa na rito ang mga kagaya ng nabibilaukan, hinimatay, nahihirapang huminga, pagkasugat at iba pang posibleng mangyari anumang sandali sa isang tao.
Bukod dito, ang mga magiging First Aider ay hihikayatin din makapagkaloob ng kani-kanilang sariling mga Dugo upang maisuplay sa mga Blood Centers ng PRC na nasa lungsod ng Malolos, Marilao at sa San Rafael. Nirerepaso na rin ang pagkakaroon ng mga Blood Centers sa lungsod ng San Jose Del Monte at San Miguel.
Para naman kay Rowena Tiongson, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO, malaking bagay ang istratehiyang ito upang mapanatiling may tiyak na suplay ng Dugo sa mga blood centers ng PRC at maging ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagdudugtong ng buhay ng pinaka nangangailangan.
Katuwang ng PRC ang PSWDO sa pagsusulong na mas maraming makalahok sa ‘Walk for Humanity’ kung saan karamihan ay mga Barangay Health Workers o BHWs, kababaihan, kabataan at iba’t ibang civil society groups. Layunin nito na makahikayat sila ng kani-kanilang mga kabarangay na maging First Aider din.
Kaugnay nito, mauugat ang simulain ng Red Cross sa Pilipinas sa bayaning Bulakenyang si Trinidad Tecson na tubong San Miguel. Tinagurian siya ni noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo bilang ‘Ina ng Red Cross’ dahil sa kanyang hindi matatawarang pagkalinga sa mga Katipunero noong kasagsagan ng rebolusyon.
Pinatibay naman ng Kongreso ng Malolos sa kanilang sesyon sa simbahan ng Barasoain ang paglikha ng National Association of Red Cross noong Pebrero 17, 1899.
Noong Pebrero 14, 1947, pormal nang lumagda ang Pilipinas sa Treaty of Geneva and Prisoners of War Convention. Ito’y upang maging ganap na kaugnay ng International Red Cross and Crescent ang pagkakaroon ng lokal na Red Cross sa bansa.
Tuluyan nang naitatag ang Philippine Red Cross noong Abril 15, 1948 sa bisa ng Republic Act 95 na nilagdaan ni Pangulong Manuel Roxas.