LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga – Aabot sa pitong libong mga trabaho sa bansang Germany ang bukas partikular sa mga manggagawang Pilipino.
Iyan ang ibinalita ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa ngayong taong 2022. Partikular sa mga kailangan ay ang mga health workers, skilled workers, engineers, heavy equipment operators at maging ang pagiging cook.
Walang partikular na bilang kung ilan ang kailangan sa kada posisyon basta’t ang mahalaga aniya, mas marami ang makapasok sa napakalaking oportunidad na ito.
Ayon pa sa kalihim, pinaplantsa na ng Pilipinas at Germany ang pagkakaroon ng dalawang Labor Agreements na lalo pang magbubukas ng mga oportunidad sa mas maraming health workers, electrical engineers, mga manggagawa sa hotels, sanitation, gumagawa sa heating at air conditioning units at pag-aalaga ng bata.
Target malagdaan ang nasabing mga labor agreements bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Malaki aniya ang posibilidad na maisakatuparan ang mga kasunduan dahil pinondohan ng Federal Republic of Germany ang pagkakaroon ng Geriatric Skills Laboratory sa Baliuag University sa Bulacan.
Ito’y upang maihanda ang mga Pilipinong nars na nais makapagtrabaho sa Germany. Katulong sa pagtataguyod ng laboratoryong ito ang Triple Win-Global Skills Partnership Program na pinondohan naman ng Bertelsmann Stiftung Foundation.
Samantala, sinumang nagnanais na magsumite ng aplikasyon sa mga nabanggit na oportunidad sa trabaho sa Germany, tanging mag-apply lamang sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na kasalukuyang nasa transisyon sa pagiging isang Department of Migrant Workers.