700 PULIS NG PRO3, NAKAHANDA NA PARA SA CIVIL DISTURBANCE MANAGEMENT SA ARAW NG MGA MANGGAGAWA

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Bilang bahagi ng paghahanda sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa o Labor Day ngayong Mayo 1, nagtalaga ang Police Regional Office 3 (PRO3) ng higit 700 pulis na naka-standby at nakaalerto para tumugon sa anumang insidente kaugnay ng Civil Disturbance Management (CDM) operations sa buong rehiyon.
 
Kasabay nito, mahigit 2,000 karagdagang pulis ang ipinakalat para magsagawa ng police visibility patrols, traffic assistance, checkpoints, at control points upang matiyak ang kaayusan, kaligtasan, at seguridad ng publiko habang ginugunita ang makasaysayang araw.
 
Ayon kay PRO3 Regional Director Police Brigadier General Jean S. Fajardo, “Ang ating kapulisan ay handang tumugon sa anumang sitwasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, lalo na sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Araw ng mga Mangagawa. Ang ating deployment ay nakatuon sa pagpapalakas ng police presence, pagtulong sa maayos na daloy ng trapiko, at pagbibigay-seguridad sa mga lugar ng pagtitipon.”
 
Dagdag pa ni PBGEN Fajardo, nananatiling nakatuon ang PRO3 sa mahigpit na pagsunod sa legal na proseso at sa paggalang sa karapatang pantao ng lahat, kasabay ng matatag na pagpapatupad ng batas upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang lahat ng kilos-protesta at iba pang aktibidad.
 
Patuloy rin ang paalala ng PRO3 sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, sundin ang mga itinakdang alituntunin, at iwasan ang anumang hakbang na maaaring makapagbunsod ng kaguluhan o panganib.