
Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapakawala sa 70 hatchlings ng Olive Ridley sea turtles (Lepidochelys olivacea) sa baybayin ng Laoag, Maloma, San Felipe, Zambales.
Sa tulong ng Laoag Integrated Fisherfolk Association at Sangguniang Kabataan ng Barangay Maloma, napangalagaan at nabantayan ang mga natural nests ng mga pawikan sa buong nesting season.
Nagpahayag ng pasasalamat si DENR Regional Executive Director Ralph Pablo sa lahat ng katuwang na ahensya, organisasyon, at indibidwal na nakiisa sa pangangalaga ng mga pawikan at sa matagumpay na pagpapanumbalik ng mga ito sa kanilang natural habitat.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga partners at volunteers na naging bahagi ng gawaing ito. Ang tagumpay ng pangangalaga sa pawikan ay patunay na mas napapalawig ang ating marine conservation efforts kapag nagkakaisa ang pamahalaan at komunidad para sa kalikasan,” ani Pablo.
Kabilang din sa mga nakiisa sa releasing activity ng mga pawikan hatchlings ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at Municipal Environment and Natural Resources Office ng San Felipe, Sangguniang Baranggay ng Maloma, Philippine National Police, Philippine Army, mga turista, at mga resort owners.
Ang Olive Ridley sea turtles ay kabilang sa mga “vulnerable” species base sa tala ng International Union of Conservation Network Red List of Threatened Species.





