Muling inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Guiguinto, Bulacan sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang 6th Refill Revolution at 5th Recyclables Collection program na ginanap sa Guiguinto Municipal Athletic and Cultural Center ngayong Martes, Hulyo 9, 2024.
Sa kaniyang mensahe, hinimok ni Mayor Paula Agatha Cruz ang bawat Guiguinteño na labanan ang plastic pollution sa pamamagitan ng paglahok sa ‘Refill Revolution’ program ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB).
Ayon sa alkalde, ang kampanya ay upang tugunan ang problema sa solid waste materials sa pamamagitan ng pagbabawas sa paggamit ng disposable package items.
Aniya, ito ay napakahirap na hamon lalo na sa paghihiwalay ng solid waste materials na dapat gawin dahil ito ay isang holistic approach para sa kapakanan ng kapaligiran.
Sinabi ni Mayor Cruz na malaking hamon ito sa bawat Guiguinteño dahil karamihan sa mga Pilipino ngayon ay kulang sa pangangalaga at disiplina.
“We want a clean and green Guiguinto, this is an ongoing challenge. To reuse our waste, to process our waste in a safe way to make sure that our establishments in Guiguinto will follow the policies in order to protect our environment,” pahayag ni Mayor Cruz.
“Ang pagpapataas ng kamalayan upang bawasan ang produksyon ng plastik, pagkonsumo at pag-iimpake ay hahantong sa isang malusog na kapaligiran at upang itaguyod ang isang environment friendly na munisipalidad, upang ang mga pamilya ay mahikayat na bawasan ang paggamit ng mga plastik sa bahay,” dagdag ng alkalde.
Sinabi ni Guiguinto MENRO chief Engr. Sudan Carreon na ang programa ay upang ipagpatuloy ang kanilang adbokasiya na isapubliko ang isang matipid na paraan upang muling magamit ang mga bote at bawasan ang dami ng plastic packaging na ginagawa ng bawat sambahayan.
Sinabi ni Bulacan ENRO head Atty Julius Victor Degala na ang mahalagang aktibidad tulad nito ay nagsasama-sama ng mga tao, negosyo, at institusyon upang magtrabaho bilang isa para sa kapaligiran. Pinasalamatan din niya ang Guiguinto LGU, pribadong sektor, barangay council at mga Guiguinteño na nakiisa sa nasabing aktibidad.
Nangako ang mga LGU ng Guiguinto kasama ang 14 na barangay captain na susuportahan at iharap ang hamon ng laban sa plastic pollution.
Nabatid na ang pagpigil o pagbabawas sa dami ng basurang nalilikha ng isang disposable packaging material ay magiging isang napakahirap na gawain, ngunit sa pagpapatupad ng iba’t ibang proseso ng refill na ito, maaari pa rin itong posible, dagdag ni Cruz.
Ang iba pang aktibidad na ipinakilala bilang bahagi ng recyclables program ay ang mga recycled na palayok sa hardin sa pamamagitan ng pinaghalong semento at disposable/luma na basahan at damit; Bokashi Ball gamit ang garden soil, coconut peat, soil conditioner, EM Plus at molasses; Concrete hollow blocks at Eco Bricks na gawa sa shredded na disposable plastic snack at candy wrapper.
Isinusulong din nito ang “Guintong Likha” recycled products na gawa sa plastic wrapper tulad ng bag, coin purse, pouch, tissue holder, shoulder bag at basket.