LUNGSOD NG MALOLOS – Muling namahagi ng tulong si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga mangingisdang Bulakenyo sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office sa ginanap na Distribution of Livelihood Assistance to Fisherfolks sa Bulacan Polytechnic College Covered Court sa lungsod na ito kahapon.
May kabuuang 483 na gillnets, 108 na coolers, at 50 na marine engines ang naipamahagi sa mga Bulakenyong mangingisda na mula sa mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Obando, Paombong, at Lungsod ng Malolos.
Ayon kay Fernando, malaki ang naging ambag ng mga mangingisda sa pag-unlad ng ekonomiya at ang pamamahagi ng ayuda sa mga mangingisda ay mahalaga upang matugunan ang kanilang pangkabuuang seguridad at katatagan ng kanilang pangisdaang komunidad.
“Patuloy lang po tayong nagpapaabot ng tulong para sa ating mga kapwa mangingisda dahil sa kanilang hanapbuhay ay nabibigay hindi lamang ng kanilang pangunahing kita para sa kanilang pamilya kundi pati na rin ng pagkain para sa marami. Sa ating pagkikipagtulungan, maaari nating mapanatili ang kanilang kabuhayan at mahalagang gampanin sa ating lalawigan,” ani Fernando.