Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General Jean S. Fajardo, at bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang presensya ng pulisya sa mga komunidad, matagumpay na naisakatuparan ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang pinaigting nitong kampanya laban sa ilegal na pagdadala at pagmamay-ari ng baril sa buong rehiyon ng Gitnang Luzon.

Mula Enero 10 hanggang Hunyo 11, 2025, nagsagawa ang PRO3 ng sunod-sunod na operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng kabuuang 640 iba’t ibang uri ng baril at pagkakaaresto ng 619 indibidwal na sangkot sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at iba pang batas kaugnay ng ilegal na baril.
Ayon kay PBGEN Fajardo, ang nasabing tagumpay ay patunay ng masinsin at maagap na paghahanda ng kapulisan sa pagpapatupad ng election gun ban, na nagsimula noong Enero 12 at nagtapos noong Hunyo 11, 2025. “Kami ay determinado sa aming mandato na tiyakin ang kaligtasan ng bawat komunidad sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas, lalo na sa panahon ng halalan. Sa ganitong paraan, natitiyak naming walang puwang ang mga kriminal at ang kanilang mga aktibidad,” ani Fajardo.
Dagdag pa niya, ang resulta ng mga operasyong ito ay bunga ng mas pinatibay na koordinasyon sa pagitan ng kapulisan, lokal na pamahalaan, at ng publiko.
Hinikayat din ni PBGEN Fajardo ang mamamayan na patuloy na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad, lalo na yaong may kaugnayan sa ilegal na baril. Maaaring i-report ito sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa pamamagitan ng opisyal na hotline at social media platforms ng PRO3.
“Ang pagkamit ng isang ligtas, mapayapa, at maunlad na pamayanan ay hindi lamang nakasalalay sa lakas ng kapulisan, kundi sa tuloy-tuloy at matatag na suporta ng sambayanan,” pagtatapos ni Fajardo.