LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinahayag ng Provincial Government ng Bulacan na umabot na sa 6,071,002 total dosis ng COVID-19 vaccines ang sumailalim na sa bakuna sa buong Bulacan.
Sa target ng Provincial Health Office na 2,637,274 o katumbas na 70 porsyento ng populasyon sa lalawigan para sa unang dose, umabot na sa 2,678,514 ang may first dose o 101.56 porsyento.
Nasa 2,557,072 naman ang tinatawag na fully vaccinated makaraan makapag 2nd dose ng bakuna kontra COVID-19 simula ng pinasimulan ang pagbabakuna noong Marso ng nakaraang taon.
Ito ay katumbas ng 96.96 porsyento ng target na populasyon.
Sa mga may edad 5 hanggang 11 taon gulang, nakapagbakuna na ang lalawigan ng 296,464 para sa unang dose at 267,130 sa second dose.
Umabot na rin sa 368,794 na first dose ang naibakuna sa mga may edad 12 hanggang 17 taon gulang. 357,134 naman rito ay fully vaccinated na.
Sinabi ni Patricia Alvaro, Health Education Promotion Officer ng Provincial Health Office, nakapagsagawa na rin sila ng booster shots kung saan umabot na sa 723,282 ang may first booster samantalang nasa 112,134 pa lamang ang naka-dalawang booster shot.
Sa ulat na ipinalabas ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, patuloy ang bahagyang pagbaba sa kasalukuyang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa datos, mula Agosto 30 hanggang Setyembre 07, 2022, nasa 530 ang naiulat na bagong kaso ng COVID-19 sa probinsiya.
Patuloy naman ang panawagan ni Gob. Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na huwag mag-atubili na magpa-booster para na rin sa kanilang kaligtasan.
Sa kasalukuyan, ang aktibong kaso na lamang ng COVID-19 sa lalawigan ay 1,367. Sa mga aktibong kaso na ito, 1,338 ang sumasailalim sa home quarantine at ang natitirang 29 na kaso naman ay nasa pangangalaga ng mga ospital.
SOURCE: Vinson Concepcion (PIA3-Bulacan)