Camp General Alejo S Santos, City of Malolos, Bulacan — Isang buy-bust operation ng mga operatiba ng Guiguinto Municipal Police Station ang nagresulta sa pagkakaaresto ng isang suspek at pagkakasamsam ng mahigit anim na kilo ng hinihinalang marijuana sa Brgy. Malis, Guiguinto, Bulacan, Biyernes ng madaling araw ng Oktubre 10, 2025.
Sa report na ipinadala ni PLtCol Leonardo Lim, Hepe ng Guiguinto Police Station, nadakip ang suspek na kinilala sa alyas “Botong”, 29, residente ng nasabing barangay.
Batay sa panimulang imbestigasyon, bandang alas-1:15 ng madaling araw nang ikasa ng kapulisan ang drug entrapment kung saan nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 6,020 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga na humigit-kumulang P601,000.00.
Agad na dinala sa Guiguinto MPS ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Ayon kay PCol Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon na ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lalawigan ng Bulacan.
Patuloy na nakatuon ang Bulacan PNP sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng walang humpay na pagtugis sa mga sangkot sa ilegal na droga.