LUNGSOD NG MALOLOS – Opisyal nang pinasimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) ang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining sa lalawigan ngayong Pebrero sa pamamagitan ng paglulunsad ng 5th SINEliksik Bulacan DocuFest online.
May temang “Pagsubok at Pagtindig Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig”, nakipagtulungan ang Pamahalaang Panlalawigan sa Film Development Council of the Philippines (FDCP), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) para sa nasabing docufest ngayong taon.
May dalawang kategorya sa docufest — Junior category kung saan ang mga miyembro ng produksiyon ay dapat 18 taong gulang pababa; at Senior category kung saan ang mga miyembro ng produksiyon ay may edad 19 taon pataas. Kailangang pumili ang mga kalahok na grupo ay ng isang paksa tungkol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa lalawigan ng Bulacan na magiging sentro ng dokumentaryo na naaayon sa tema ng docufest sa taong ito.
Ang huling araw ng inisyal na pagpapatala ay sa Pebrero 24 at ang huling araw ng pagsusumite ng mga requirement ay sa Marso 3.
Hinihikayat ni Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang mga Bulakenyo na lumahok upang pagyamanin ang kanilang kaalaman at magkaroon ng kumprehensibong pananaliksik at biswal na reperensiya ukol sa mga naging karanasan, pagsubok at mga makasaysayang naganap sa lalawigan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Samantala, naglinya rin ng mga gawain ang PHACTO kaugnay ng National Arts Month na may temang “Ani ng Sining, Bunga ng Galing” kabilang ang Lakbay Kasaysayan, Sining at Kultura kabilang mula Pebrero 3 hanggang Marso kung saan ang mga bisita at turista ay lilibot sa Hiyas ng Bulacan Museum at iba pang mga gusali sa paligid ng Kapitolyo; panonood ng mga piling dokumentaryo at dula sa Tanghalang Nicanor Abelardo; serye ng konsiyerto na HARANA “Sining at Pag-ibig” ng Hiyas ng Bulacan Provincial Band sa Pebrero 13 sa Mini Forest at piling mall sa Bulacan; Art Exhibition na tinawag na “Sapin-sapin, Patong-patong, Halo-halo” ng mga piling Bulacan Sculptors & Mixed Media Artists sa Pebrero 20 hanggang Marso 3 sa Bulwagang Guillermo Tolentino; isang Paleography Workshop sa Marso 4 sa Tanghalang Nicanor Abelardo; Parangal sa Kislap Sining ng Bulacan at Pagkilala sa mga Artistang Bulakenyo na nagwagi sa mga national o international na paligsahan na gaganapin sa Marso 10; at Sining sa Hardin at Konsierto ng mga Artistang Bulakenyo sa Marso 17 at 18.
Para sa iba pang detalye, bisitahin lamang ang PHACTO History and Heritage Division, Hiyas ng Bulacan Cultural Center: Sentro ng Kasaysayan Sining, Kultura at Turismo, Antonio S. Bautista, Bulacan Provincial Capitol Compound sa lungsod na ito o ang Bulacan History and Heritage Facebook Page.