LUNGSOD NG MALOLOS — Target ng Philippine Statistics Authority o PSA na mairehistro nang libre ang may 57,060 na mga Bulakenyo na walang birth certificate.
Sinimulan nang hanapin ng ahensya ang naturang mga indibidwal sa ilalim ng PhilSys Birth Registration Assistance Project o PBRAP bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-33 National Civil Registration Month.
Ayon kay Cristy Lopez, statistical specialist II ng PSA-Bulacan, ibinase ang bilang ng target na mga benepisyaryo sa nakaraang 2020 Census. May inisyal na 3,770 ang kasalukuyang prinoproseso sa tulong ng mga local civil registrar o LCR.
Kasama sa mga prayoridad na magawan ng libreng Birth Certificates ang mga katutubong Dumagat na nagkakanlong sa bulubundukin ng Sierra Madre at mga nakatatandang ipinanganak bago ang taong 1945 o makalipas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Gayundin ang mga ipinanganak sa ospital na hindi makapagbayad, mga ipinanganak sa labas ng ospital o lying-in facilities, hindi kasal ang mga magulang, mga anak na hindi pinanindigan ng ama at mga naninirahan sa relokasyon.
Binigyang diin ni Lopez na sa pagiging libre ng birth certificate, sasagutin na ng PSA ang nasa P310 na halaga ng gastusin kung ito’y aktuwal na aasikasuhin sa labas ng PBRAP.
Aniya pa, masasabing isang pirasong papel lamang ang birth certificate ngunit ito ang pangunahing rekisito sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay mula sa pagpasok sa paaralan, aplikasyon sa trabaho, pagpapakasal, pagkuha ng benepisyo, pangingibang bansa, pagkuha ng pensiyon at maging sa sandaling dumating ang kamatayan.
Kaya naman tinatawagan ng PSA ang mga potensyal na benepisyaryo na agad na makipag-ugnayan sa mga LCR sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan.
Kinatuwang na rin ng PSA ang mga pamahalaang bayan at lungsod upang masadya na sa pamamagitan ng mga Mother Leader at Lingkod Lingap sa Nayon ang mismong kinaroroonan sa kanayunan ng nasabing mga indibidwal na walang birth certificate.
Ito’y upang agad na masuri at maiproseso sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Ang isang matutukoy na benepisyaryo ay dapat magdala lamang ng kahit anuman sa mga sumusunod gaya ng baptismal certificate, Form 137 o school certification na naglalaman ng mga pangunahing impormasyon tungkol sa mag-aaral partikular na ang petsa ng kapanganakan, mga government-issued ID kung mayroon man.
Sakaling walang anuman na ID ang isang indibidwal, pagkakalooban na siya ng PSA ng PhilID.
Tatagal ang proyektong ito ng PSA hanggang sa Disyembre 2024.