53 RHUs, 1 ospital sa Bulacan sakop na ng KonSulta Package ng PhilHealth

53 RHUs, 1 ospital sa Bulacan sakop na ng KonSulta Benefit Package ng PhilHealth
Detalyadong tinatalakay ni Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth-Bulacan Chief Social Insurance Officer Zenett Dela Vega ang mga benepisyo na nakapaloob sa Konsultasyong Sulit at Tama o KonSulta Benefit Package. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS — Sakop na ng Konsultasyong Sulit at Tama o KonSulta Benefit Package ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang 53 na mga Rural Health Units o RHU at isang ospital sa Bulacan.

 

Ayon kay PhilHealth Bulacan Chief Social Insurance Officer Zenett Dela Vega, maaari nang magpakonsulta nang libre sa sumusunod na mga pasilidad kung saan sasagutin na ng PhilHealth ang bayad sa manggagamot. 

 

Bahagi ito ng umiiral na Republic Act 11223 o Universal Health Care Act.

 

Pinakamaraming may KonSulta Benefit Package sa 10 RHU sa lungsod ng San Jose Del Monte na matatagpuan sa Poblacion, Tungkong Mangga, Minuyan IV, San Pedro, Sta. Cruz, Muzon, Gaya-gaya, Paradise III, Minuyan Proper at sa Mulawin.

 

Ang Qualimed Hospital naman sa Altaraza sa naturang lungsod ang unang pribadong ospital sa Bulacan na mayroong KonSulta Benefit Package.

 

Anim ang sa lungsod ng Meycauayan na nasa mga RHU sa Malhacan, Perez, Bangkal, Pandayan, Saluysoy at Camalig. Anim din sa Santa Maria na nasa Poblacion, Sto. Tomas, Pulong Buhangin, Caypombo, Catmon at Tumana.

 

Sa lungsod ng Baliwag, apat na RHU ang mayroon na nito nasa Bagong Nayon, Sto. Nino, San Jose at Poblacion. 

 

Nasa apat din sa Hagonoy na nasa Poblacion, San Juan, San Nicolas at Sto. Rosario.

 

Gayundin sa Plaridel na nasa Poblacion, Dampol, San Jose at Tabang habang may tatlo sa San Rafael na nasa Sampaloc, Maguinao at Poblacion.

 

Tig-dalawang RHU sa sumusunod na mga bayan ang mayroon na ring KonSulta Benefit Package gaya sa Balagtas na nasa Wawa at Borol 2nd, Poblacion at Liciada sa Bustos, Poblacion at Tiaong sa Guiguinto, Patubig at Poblacion sa Marilao, Poblacion at Cutcot sa Pulilan at sa Liang at Lugam na nasa lungsod ng Malolos.

 

Mayroon namang tig-iisang RHUs ang nakarehistro PhilHealth para sa KonSulta Benefit Package sa Angat na nasa Sta. Cruz, Pulong Sampaloc sa Donya Remedios Trinidad, Poblacion sa Pandi at sa Poblacion ng San Ildefonso.

 

Ipinaliwanag ni Dela Vega na sakop ng mga benepisyong nakapaloob sa KonSulta Benefit Package ang mga serbisyong pang-indibidwal gaya ng pagsusuri at pagbibigay lunas sa karamdaman, pagkakaloob ng pangangalaga para makaiwas sa sakit, makapagpa laboratoryo, makabili ng gamot sa botika at ang mabigyan ng referral sa isang specialty o higher level of care.

 

Para sa pagpapalaboratoryo, mapapakinabangan ang KonSulta Benefit Package sa complete blood count o CBC with platelet count, urinalysis o pagsusuri ng ihi, fecalysis o pagsusuri ng dumi, sputum microscopy o pagsusuri ng plema, papsmear at fecal occult blood o pagsusuri kung ang isang indibidwal ay dumudumi na may dugo.

 

Kasama rin ang Lipid profile kung saan kinukuha ang kinukuha ang total cholesterol, pagsusuri ng lebel ng asukal sa dugo nang hindi kumakain o fasting blood sugar o FBS, oral glucose tolerance test, electro cardiogram o ECG, chest X-ray, creatinine at HbA1c pagsusuri ng asukal sa dugo na nakakapit sa hemoglobin.

 

May mga gamot naman na maaaring maipagkaloob sa mga benepisyaryo ng KonSulta Benefit Packages gaya ng anti-microbial para hindi maimpeksiyon ang sugat, fluids at electrolytes upang maiwan ang pagkatuyot dahil sa kakulangan ng tubig sa katawan, anti-asthma para sa may hika at hirap ang paghinga, at antipyretics para sa lagnat at simpleng sakit ng ulo.

 

Gayundin ang anti-dyslipidemia para sa may mataas ang cholesterol sa dugo, anti-diabetic para sa may mataas na lebel ng asukal sa dugo, anti-hypertensive para sa may mataas na presyon ng dugo, anti-thrombotics para sa may pamumuo ng dugo at pagbara sa ugat at ang anti-histamine para sa mga may allergy.

 

Binigyang diin ni Dela Vega na simple lamang ang mga kailangan para makatamo ng nasabing mga benepisyo sa ilalim nitong KonSulta Benefit Package. 

 

Basta’t mayroong PhilHealth Identification Number o PIN ang isang miyembro ng PhilHealth na updated ang record.

 

Masasabi aniyang updated ang isang miyembro kung tama ang mga personal na impormasyon gaya ng spelling ng pangalan, birth date, address, at naideklara ang lahat ng kanyang qualified dependents.

 

Kaugnay nito, bukod sa may nararamdamang hindi maganda sa katawan ang isang pasyente, uubra ring magpa check-up ang isang malusog at walang sakit na indibidwal upang mairehistro ang kanyang profile gaya ng medical history, mga anthropometrics gaya ng blood pressure, heart rate, respiratory rate, temperature, height, weight, body mass index at iba pa.

 

Ito ang magbibigay daan upang ang isang indibidwal ay mairehistro sa isang KonSulta provider gaya ng nasabing mga 54 na RHUs at isang ospital.

 

Samantala, mananatali ang mga benepisyo na nakapailalim sa In-patient benefit kung saan ang isang miyembro o qualified dependent ay na-confine nang hindi bababa sa 24 oras.

 

Nandiyan pa rin ang Out-patient benefit naman kung saan hindi kinakailangang ma-confine ng 24 oras sa mga accredited health care institution kung sumailalim sa eye cataract extraction, blood transfusion, pagtahi ng mga sugat, simpleng pagtanggal ng bukol sa kamay, paa at iba pang bahagi ng katawan na hindi delikado at maselan.