LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang suporta sa marangal nitong kasaysayan sa larangan ng serbisyong makatao, hindi bababa sa 5,000 mga Bulakenyo ang makikiisa sa Philippine Red Cross-Bulacan Chapter sa programang ‘Walk for Humanity’ sa Sabado, Abril 15, 2023, 6:00 ng umaga sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-75 Anibersaryo.
May temang “PRC is always first, always ready, and always there in service for humanity”, magtitipon ang mga dadalo sa bakuran ng Malolos Sports and Convention Center at maglalakad patungong Bulacan Capitol Gymnasium kung saan gaganapin ang programa.
Bilang isa sa mga tagasuporta ng PRC, hinimok ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na suportahan at makiisa sa paglakad upang isulong ang mga adbokasiya ng organisasyon na makatulong sa higit na nangangailangang populasyon.
“Sa loob ng 75 taon, ang Philippine Red Cross ay nakatuon sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong nagliligtas sa buhay lalo na sa mga mahihirap na populasyon, at sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanila, nagbibigay din tayo ng suporta sa lahat ng ating kapwa na nangangailangan ng tulong, sa mga mahihina. Makiisa tayo sa kanila at isulong ang pagiging makatao, halina’t magligtas ng buhay,” anang gobernador.
Dadaluhan ang programa nina Bise Gob. Alexis C. Castro, Kinatawan Lorna C. Silverio, tagapangulo ng PRC-Bulacan Chapter; Dr. Cecilia Gascon, pangalawang tagapangulo ng PRC-Bulacan Chapter, at iba pang mga stakeholder, volunteer at katuwang ng PRC.
Patuloy ang Philippine Red Cross sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga Pilipino tulad ng Blood Services, Disaster Management Services, Safety Services, Health Services, Social Services, Red Cross Youth at Volunteer Services.