4PH DAPAT SA MGA MAHIHIRAP LAMANG NA PAMILYANG PINOY

Katropa Nakasentro ni: Vic Billones III

Nakatanggap tayo ng mungkahi mula sa ating mambabasa hinggil sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Lalawigan ng Bulacan, na kinalugdan naman ng mga mamamayan ng naturang probinsiya sa pangunguna ni Bulacan Gob. Daniel Fernando, dalawang buwan na ang nakalilipas.

 

Narito po ang ulat (hindi na po natin babanggitin ang pangalan): “Maganda sana iyung pabahay na ibinaba ni Pres. BBM. Sana po ma-‘screen’ na mabuti ang mapagkakalooban. Dahil minsan kung sino ang malakas sa Munisipyo ay sila ang nakaka-‘avail’ at grabe hindi ‘2 unit’ kundi marami talaga. Malamang po ang NHA na itatalaga ay hindi medyo ‘strict’ sa pagpapatupad ng ‘qualifications’ para maka-‘avail.’ Unahin po talaga ang mahihirap. Imagine po komo taga-MSWD ang ‘unit’ na na-‘occupy’ ay kung alin pa ang mga bungad, dikit-dikit iisa lang ang may ari.”

 

Tsk! Tsk! Tsk! Sa kaliwanagan ng lahat, narito po ang ating nakalap, ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ay naglalayon na serbisyuhan ang mga pangangailangan sa pabahay ng mga kulang-kulang na pamilyang Pilipino, na kasalukuyang tinatayang nasa backlog na 6.5 milyong unit, sa pamamagitan ng pag-target ng isang milyong housing unit na itatayo bawat taon para sa susunod na anim na taon. Ang pagpapatupad ng programa ay higit na aasa sa mga local government units (LGUs) na nagsisilbing project proponents, na sinusuportahan ng mga pangunahing shelter agencies na kinabibilangan ng Pag-Ibig Fund, National Housing Authority, Social Housing Finance Corp., at National Home Mortgage Finance. Corp. Ang mga pondo ng mortgage ay dapat ibigay ng mga institusyong pampinansyal ng pamahalaan at mga pribadong bangko upang matiyak na ang pangunahing isyu ng pagiging affordability at access sa mga pondo ay maayos na natugunan.

 

Sa karagdagang kaalaman, iyan ay upang maibigay ang mga pangangailangan sa pabahay ng mga mamamayang Pilipino, binuo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamamagitan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program. Programang para palakasin ang mga layunin ng napapanatiling pag-unlad ng bansa.

 

Kaya umaasa ang madla na ang pagbibigay ng pangangailangan sa pabahay para sa mga pamilyang Pilipino na kulang sa kita, ay maayos na naisasagawa, at para lamang sa mga kapos at mahihirap na pamilya, hindi tulad ng mensahe ng nagpadala sa atin ng kanyang nalalaman o haka-haka.

 

Karagdagan, kung ang isang mahirap na pamilya ay nabigyan ng pabahay na malayo sa kanilang pinagmulan, ay nararapat lamang na turuan sila kung paano kumita ng kanilang ikabubuhay at kapag sila ay maalam na, ay pahiramin ng Gobyerno ng salaping pangpuhunan, na may abot-kayang interes.

 

Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung kayo ay tutulong din lang ay tumulong na kayo ng lubos, ng sa gayun ay hindi na rin mahirapan ang mga taong maliliit na umaasa sa inyo ng pagbabago. At sa pinakadiwa ng mensaheng ipinadala sa Katropa, ay siyasatin ng lubos ang pamamahagi ng mga pabahay na para lamang sa ‘underserved low income Filipino families,’ o  mga pamilyang Pilipino na kulang sa kita. Hanggang sa muli!