LUNGSOD NG MALOLOS – Sa pagtutulungan ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 3 at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Daniel R. Fernando, muling nagpamahagi ng tulong pangkabuhayan sa 46 na Bulakenyong mangingisda sa isinagawang Distribution of Livelihood Assistance to Fisherfolks sa Bulacan Capitol Gymnasium dito kamakailan.
Labinlimang benepisyaryong mangingisda mula sa mga bayan ng Bulakan, Hagonoy, Plaridel, at Lungsod ng Malolos ang nakatanggap ng marine engines na mula sa Pamahalaang Panlalawigan, habang 31 na benepisyaryo naman mula sa mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, Plaridel, Obando, Paombong, at Lungsod ng Malolos ang nabigyan ng de-motor na bangka mula sa BFAR.
Binigyang diin ni Fernando na ang karagdagang suporta sa mga mangingisda ay makatutulong sa mga mangingisda upang mapaunlad nila ang kanilang kabuhayan.
Dagdag pa rito, layon ng nasabing tulong na suportahan ang sustenableng paraan ng pangingisda at makapag-ambag sa pangmatagalang progreso ng industriya ng pangisdaan.
“Hindi lamang ayuda ang pag-aabot natin ng tulong sa ating mga mangingisda dito sa Bulacan, tanda rin ito ng pagbibigay ng panibagong pag-asa para sa mas maunlad nilang kinabukasan at upang mapanatili nila ang kanilang kabuhayan,” anang gobernador.