42% Land Development sa New Manila International Airport Project, nailalatag na

Sa isinagawang inspeksiyon ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista sa itinatayong New Manila International Airport o NMIA, iniulat sa kanya ng San Miguel Corporation na 42% na ang nagagawang land development para sa proyekto. Target matapos ito sa taong 2027. (Larawan mula sa Department of Transportation)

BULAKAN, Bulacan – Umakyat na sa 42% ang nailalatag sa land development para sa proyektong New Manila International Airport o NMIA na itinatayo sa baybayin ng Bulakan, Bulacan.

 

Iyan ang iniulat ni Ramon Ang, pangulo ng San Miguel Corporation o SMC na konsesyonaryo ng proyekto sa ginagawang inspeksiyon kamakailan ni Department of Transportation o DOTr Secretary Jaime Bautista sa mismong project site na aabot sa 1,693 ektarya na nasa mga barangay ng Taliptip at Bambang.

 

Ayon sa kalihim, target matapos ang land development sa taong 2024 at matapos ang konstruksiyon ng mismong paliparan sa taong 2027.

 

Tinatayang ito ang magiging pinakamalaking paliparan ng Pilipinas kapag nagsimula na ang operasyon nito. Idinisenyo ang NMIA upang makapaglulan ng inisyal na 35 milyong mga pasahero sa unang mga taon ng operasyon.

 

Kalaunan ay uubrang umabot sa 100 milyong mga pasahero kada taon ang inaasahang makakagamit nito at inaasahang magpapaluwag sa mga terminals ng Manila International Airport.

 

Sinuri rin ni Secretary Bautista ang pagtalima ng konsesyonaryo sa mga umiiral na batas kaugnay ng pangangalaga sa kalikasan at flood mitigation sang-ayon sa isinagawang Environmental and Social Impact Assessment o ESIA.

 

May halagang P735 bilyon ang proyekto na ginagastusan ng San Miguel Aero City Inc. na isang subsidiary ng SMC na pinagkalooban ng konsesyon at prangkisa ng pamahalaan upang mamuhunan, magdisenyo, magtayo at magpatakbo sa NMIA hanggang taong 2070 sang-ayon sa Republic Act 11506.

 

Itinatayo ito sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer o B.O.T. na isang mekanismo ng Public-Private Partnership o PPP kung saan ipinagkakaloob ng pamahalaan sa isang kwalipikadong pribadong kompanya ang konsesyon para isakatuparan ang isang proyektong pang-imprastraktura.

 

Sa pagtatapos ng konsesyon ng San Miguel Aero City Inc. sa taong 2070, ililipat na sa pamahalaan ang karapatan nito sa pag-aari at operasyon ng mga pasilidad.