400 empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, lumahok sa Kapitolyo for Life: Zumvibes

LUNGSOD NG MALOLOS – Humigit kumulang 400 na empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang nagpakitang gilas sa masiglang Zumba Fitness event sa ginanap na Definitely Fit Zumvibes na inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Administrator’s Office, Provincial Health Office-Public Health, at ng Provincial Human Resource and Management Office na layuning maisulong ang pagkakaroon ng healthy lifestyle sa hanay ng mga empleyado ng Kapitolyo.

Ang aktibidad na ginanap kamakailan sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito ay idinisenyo upang hikayatin ang lahat na maging aktibo, makapagtanggal ng stress, at mapagtibay ang samahan ng mga magkakatrabaho sa pamamagitan ng isang masaya at interaktibong paraan.

Sa pangunguna ng aktor at mananayaw na si Wowie De Guzman at ni Zumba expert Tops Cordell, nakisayaw ang mga kalahok sa iba’t ibang dance routine sa saliw ng masisiglang tugtugin.

Samantala, binigyang diin ni Bise Gob. Alexis C. Castro na ang Zumba ay hindi lamang isang paraan ng pag-eehersisyo kundi isa rin itong selebrasyon ng kalusugan at kasiyahan.

“Mahalaga rin sa empleyado na mapanatili nila ang magandang pangangatawan habang nagtatrabaho. Maganda ring bonding ito kasama ang mga kaibigan, mas nagdadala ng kasiyahan at sigla sa bawat isa,” anang bise gobernador.

Upang higit na maisulong ang pagkakaroon ng malusog na pamumuhay at pangangatawan, nagbahagi si Ulysses J. Rengel, sports director ng University of the Assumption-Pampanga, ng mahahalagang kaalaman tungkol sa work-life balance at matalinong pagpili sa nutrisyon at ehersisyo.