MAY kabuuang halaga na P6 milyon na tulong pangkabuhayan mula sa Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng Tanggapan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang ipinamahagi sa 400 Bulakenyo na small-scale retail owners mula sa low income na tahanan na apektado ng COVID-19 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos nitong Biyernes, Setyembre 9, 2022.
Layunin ng proyekto na tumulong sa mga pamilya na lubhang naapektuhan ng pandemya ang pinagkukunan ng kabuhayan; ituon ang muling pagtatayo ng mga informal at lokal na negosyo; at pasiglahin ang paggalaw ng ekonomiya sa loob ng lalawigan.
Nagpasalamat sina Gobernador Daniel R. Fernando At Bise Gob. Alexis Casro kay Senador Go sa kanyang pagtulong at pagsuporta sa mga Bulakenyo.
“Hindi po tayo pinababayaan ng ating mahal na Senador Bong Go. Kabibigay lamang po niya ng P10 million, sinundan na naman ng six million, at may susunod pa. Malaking tulong po ito sa ating lahat dahil marami ngayon ang walang hanapbuhay,” anang gobernador.
Kahit pa hindi pisikal na nakadalo, hinikayat ni Senador Go ang mga benepisyaryo na gamitin sa mabuti ang ayuda at palaguin ang kanilang mga negosyo sa pamamagitan nito.
“Ang programa pong ito ay magtuturo sa inyong magnegosyo at bibigyan po kayo ng ayuda. Palaguin po ninyo ang inyong mga negosyo. Masarap po sa pakiramdam kapag pinagpawisan at pinaghirapan po ninyo ang inyong mga negosyo,” ani Go sa video message.
Maliban sa tulong pangkabuhayan, nagpa-raffle si Senador Go ng 20 bola ng volleyball, 20 bola ng basketball, dalawang cellphone, apat na pares ng rubber shoes, at isang bisikleta sa mga dumalo.
“Ang advocacy ko po, get into sports and stay away from drugs. Pagtulungan po natin na ilayo ang ating mga kabataan sa iligal na droga,” apela ng senador.