4 arestado sa P8M shabu sa Angeles, Bataan

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga sa Gitnang Luzon, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang laban sa kriminalidad, matagumpay na naisagawa ng Police Regional Office 3 ang dalawang magkahiwalay na operasyon noong Hunyo 10 at 11, 2025. Ang mga operasyong ito ay nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na high-value individuals (HVIs) at pagkakasamsam ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na humigit-kumulang ₱8,027,400.00.
 
Noong Hunyo 10, 2025, dakong 6:05 ng gabi, isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Dinalupihan Municipal Police Station ang isang buy-bust operation sa Brgy. San Benito, Dinalupihan, Bataan. Naaresto sa operasyon si alyas “Mel Mel” matapos bentahan ng isang medium-sized heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu ang isang poseur buyer. Nakuha mula sa suspek ang kabuuang 180.5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may halagang ₱1,227,400.00.
 
Samantala, noong Hunyo 11, 2025 bandang alas-2 ng madaling araw, ikinasa naman ang isa pang buy-bust operation sa Sitio Saudi, Barangay Malabanias, Angeles City, Pampanga. Nadakip sa operasyon ang tatlong suspek na sina alyas “Jamil”, 43 anyos (HVI); alyas “Roel”, 41 anyos; at alyas “Arnold”, 43 anyos—pawang mga residente ng naturang barangay. Nakumpiska mula sa kanila ang dalawang plastic bag at isang malaking ziplock bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 1,000 gramo at halagang ₱6,800,000.00 batay sa Standard Drug Price.
 
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
 
Pinuri ni Police Regional Office 3 Regional Director PBGEN Jean Fajardo ang mga operatiba sa kanilang mabilis at epektibong aksyon. “Ang mga matagumpay na operasyong ito ay patunay ng aming masidhing suporta sa direktiba ng ating Chief PNP, PGEN Nicolas D. Torre III, na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga sa makatao at propesyonal na pamamaraan,” ani PBGEN Fajardo.
 
Dagdag pa niya, “Ang PRO3 ay mananatiling masigasig sa pagsusulong ng isang lipunang malaya sa impluwensya ng ilegal na droga upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.”
 
Buo ang paninindigan ng Police Regional Office 3 na itaguyod ang adhikain ng administrasyong Marcos para sa isang Bagong Pilipinas—ligtas, maayos, at mapayapa para sa lahat.