LUNGSOD NG MALOLOS – Tatlumpu’t apat na Bulakenyong naghahanap ng trabaho ang natanggap agad sa idinaos na Bulacan Trabaho Service (BTS) Caravan: Singkaban Job Fair 2023 kamakailan sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment, 6,076 na trabaho mula sa 50 lokal na employer at limang overseas agency ang hatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, at Public Service Office sa may 614 aplikante.
Hinikayat ni Regional Director Geraldine M. Panlilio ng DOLE RO3 ang mga aplikante na bagama’t hindi lahat ay makakakuha ng trabaho, hindi sila dapat mawalan ng pag-asa bagkus ay patuloy na paunlarin ang kanilang mga sarili.
“If ever you will not be lucky, I hope this would not discourage you from doing your best upang i-improve n’yo pa ang inyong mga sarili,” sabi ni Panlilio.
Samantala, personal na ginarantiyahan ni Bise Gob. Alexis C. Castro ang mga jobseeker mula sa Bulacan at hinihikayat ang mga kumpanya na subukan sila.
Aniya, hindi umano pagsisisihan na tanggapin ang mga Bulakenyo sa trabaho dahil kilala ang mga ito pagiging masipag at mapagkakatiwalaan.
“Wala pong nagsisimula sa malaki, lahat nagsisimula sa maliit. Masarap ang pakiramdam kapag unti-unti nating natutupad ang ating mga pangarap, at walang imposible kahit gaano tayo katanda, basta’t nagsusumikap tayo. Katulad ng sinabi ko, ang mga Bulakenyo ay masisipag at mapagkakatiwalaan. Basta’t may tiyaga tayo sa buhay at patuloy tayong nagdarasal, walang malakas na higit sa panalangin,” ani Castro.
Kasabay nito, isinagawa rin ang pamamahagi para sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) kung saan tinanggap ng 511 benepisyaryo ang mga livelihood package kabilang ang welding machines, soap–making machine kits, hilot/wellness kits, sewing machines, food processing machines, at oven machines mula sa DOLE at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.